LAS VEGAS – Anim na araw na lamang para sa pinakahihintay na duwelo nina eight-division world champion Manny Pacquiao at WBO welterweight titlist Jessie Vargas, ngunit sa kabila ng kawalan ng partisipasyon ng HBO, kumpiyansa si promoter Bob Arum na tatabo sa pay-per-view (PPV) ang duwelo.
Iginiit ni Arum, may-ari ng Top Rank Promotions, na nananatiling malaking pangalan sa boxing si Pacquiao kaya walang duda na tatangkilikin ng boxing aficionados ang laban.
“We think we are going to do very, very big pay per view numbers. Do I know that for a fact? Am I optimistic,” pahayag ni Arum.
Sinabi ni Arum na patok sa takilya ang laban at malakas ang demand para sa live broadcast.
“Both high ticket sales at the gates, plus big interest from closed circuit distributors reminiscent of Manny Pacquiao of a couple of years ago,” sambit ni Arum.
Aniya, sinimulan nila ang hype ng laban sa “ALL IN” preview series, na ayon kay Arum ay napapanood sa internet at social media tulad ng Facebook, Twitter at Instagram.
“ALL IN: Pacquiao-Vargas” is a new and innovative video series... designed to bring the fan closer to the action and the event,” pahayag ni Arum.
Pinananabikan din ang duwelo nina Nonito Donaire at Jessie Magdaleno – isa sa undercard ng Pacquiao-Vargas duel – sa Nobyembre 5 para sa WBO world super bantamweight championship sa Thomas and Mack Center.
Matagal nang hinahamon ni Magdaleno, siyam na taon na mas bata kay Donaire, ang tinaguriang ‘Filipino Flash’.
“I think Nonito is no longer in his prime. He’s a little old at nearly 34-years-old. He’s been in a lot of wars,” pahayag ni Magdaleno sa panayam ng ESPN.
“Nonito is a fighter who still has the punching power, but he will face a young fighter who will be ready - with quick reflexes, speed, punching power. I don’t think it’s going to be his night, it’s going to be mine - because I feel for this fight I’m coming in there at my best, it’s the perfect time,” aniya.