NAGTATALUMPATI si Pangulong Duterte sa harap ng mga Pilipino sa Beijing noong bumisita siya kamakailan sa China nang banggitin niya kung paanong nahihirapan ang mga Pilipino na magkaroon ng visa para makapasok sa United States. Sa kabila nito, aniya, basta na lang nagtutungo rito ang mga Amerikano at tsaka pa lamang kukuha ng Philippine visa pagdating. “Bakit hindi natin tablahin?” aniya. Bakit hindi magkapareho ang ating mga patakaran sa visa?
Kalaunan, nagpahayag si Speaker Pantaleon Alvarez ng kanyang suporta sa nabanggit na pananaw ng Pangulo at pinuna ang hindi pagkakapareho ng dalawang bansa sa aspetong ito. Dapat na ikonsidera ng Amerika ang pagbawi sa istriktong visa requirements nito para sa mga Pilipinong turista, aniya, o kaya naman ay magpatupad din ang Pilipinas ng kaparehong mga patakaran sa mga Amerikano. Nakasalalay na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapatupad ng alinmang bagong visa scheme, aniya.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay may iba’t ibang visa arrangements sa ibang bansa. Mayroon tayong magkakaparehong visa requirements sa mga kapwa natin bansang ASEAN — ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam. Hindi rin mangangailangan ng visa ang mga Pilipino upang makabisita sa 50 iba pang mga bansa. Samantala, pinapahintulutan naman natin ang mamamayan ng halos 160 bansa na magtungo rito kahit na walang Philippine visa; maaari silang magkaroon ng visa sa pagdating sa bansa simula pito hanggang 59 na araw. Makakakuha ng visa ang mga Amerikano hanggang 21 araw lamang. Para sa mas mahabang pananatili, kailangan nilang makakuha ng visa sa embahada ng Pilipinas sa Amerika.
Sa kasalukuyan, dumadagsa sa Pilipinas ang mga turista mula sa iba’t ibang dako ng mundo alinsunod sa malayang visa arrangements na ito. Pinakamadalas na bumibisita ngayon sa bansa ang mga South Korean — umabot sa 1,339,678 noong 2015, kasunod ng mga Amerikano — 779,217 noong 2015. Pasok din sa listahan ng sampung pangunahing bansang pinanggagalingan ng mga turista rito ang China, Japan, Australia, Taiwan, Singapore, Canada, United Kingdom at Malaysia.
Ang anumang pagbabago sa ipinatutupad nating visa arrangements sa ibang mga bansa ay magkakaroon ng epekto sa mga bilang na ito. Sakaling aksiyunan ng gobyerno ang mga komento ni Pangulong Duterte tungkol sa mga istriktong patakaran sa visa ng Amerika at sa inaasam ni Speaker Alvarez na magpapatupad ang DFA ng bagong visa scheme para sa mga Amerikano upang maging patas ang dalawang bansa, tiyak na magkakaroon ito ng malaking epekto sa turismo at marahil maging sa iba pang aspeto. Dapat na handa tayo sa mga ito.