Kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan si Calixto R. Catáquiz, dating alkalde ng San Pedro, Laguna, dahil sa maanomalya umanong pagbili ng ari-arian para sa munisipalidad noong 2008.
Isinulat ni Assistant Special Prosecutor I Emerita Francia sa charge sheet na nakipagsabwatan si Catáquiz sa kapwa akusadong sina Erlinda Namora Sietereales at Katrina Namora Sieterales sa pagpasok sa Deed of Absolute Sale para bilhin ang 16,808 square meter lupa na saklaw ng Transfer Certificate of Title No. T-209568, sa pangalan ni Roberto Sietereales.
Kinatawan ni Catáquiz ang munisipalidad bilang buyer habang tumayo namang seller ang kanyang umanong mga kasabwat.
Ibinenta ang lupa sa halagang P15,967,600 sa P950 kada square meter, bagamat ang orihinal na halaga nito ay P460 per square meter lamang.
Sinabi ni Francia na nagsagawa umano si Catáquiz ng reclassification ng nasabing lupa, ginawang residential mula sa pagiging agricultural upang tumaas ang bentahan nito.
Itinakda ang piyansa sa P30,000 bawat isa. (Czarina Nicole O. Ong)