Pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko na mag-ingat sa mga lamok at ahas, sa kanilang pagtungo sa mga sementeryo.

Ayon kay Health spokesperson Dr. Eric Tayag, kung hindi maayos ang pagkakalinis sa mga sementeryo ay malaki ang posibilidad na maraming lamok doon, at may mga ligaw na ahas, na higit na dapat pag-ingatan ng publiko.

Ang kagat ng ahas ay nakamamatay dahil sa kamandag na taglay nito, habang ang kagat naman ng lamok ay nagdadala ng Zika virus, dengue, chikungunya at malaria, na maaari ring makamatay kung mapapabayaan.

Matatandaang una nang nagpaalala ang DoH sa publiko laban sa pagbili ng street foods na itinitinda at inilalako sa mga sementeryo dahil kung kontaminado ang mga ito ay magdudulot ng sakit tulad ng diarrhea at food poisoning.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mas makabubuti anilang magbaon na lamang ng sariling inumin at pagkaing hindi mabilis mapanis upang matiyak na ligtas at malinis ang mga kakainin at iinumin nila habang nasa loob ng sementeryo.

Pinayuhan din ng DoH ang publiko na magdala ng mga panangga sa matinding init ng panahon o kaya’y posibleng pag-ulan tulad ng payong, sombrero, kapote at iba pa.

Pinaalalahanan din ng DoH ang mga magulang na huwag nang magsama ng mga paslit, matatanda at mga may sakit sa sementeryo upang maiiwas ang mga ito sa posibleng disgrasya, lalo na at tiyak na maraming tao ang dadagsa.

Presyo ng bulaklak, todo na

Sumipa pa lalo pataas ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa market sa Maynila, pagsapit ng bisperas ng Undas.

Nabatid na mula sa dating P300 ay pumalo sa P650 ang presyo ng orkidyas, habang dumoble naman sa P300 ang presyo ng Malaysian mums na dating P150 lamang.

Malaki rin ang itinaas sa presyo ng mga rosas na umabot na ng P300 mula sa dating P100 lamang, habang ang carnation naman ay naging P250 mula sa dating presyo na P100.

Ayon sa ilang tindera ng bulaklak sa Dangwa market, naging mas mabili ngayon ang flower arrangements na ang presyo ng maliliit na basket ay P100 lamang habang ang malalaki naman ay umaabot sa P250 hanggang P750, depende sa dami ng bulaklak, laki at hitsura ng pagkakaayos.

Sinabi naman ng mga tindera na ang suplay ng bulaklak sa Dangwa ay naapektuhan rin ng bagyong Lawin kaya ilan sa mga bulaklak na itinitinda nila sa ngayon ay galing pa sa China.

‘Wag mag-iwan ng basura

Samantala nanawagan naman sa publiko si Environment Secretary Gina Lopez na maging responsable sa kapaligiran sa paggunita ng Undas.

Ang panawagan ay ginawa ni Lopez upang paalalahanan ang mga taong magtutungo sa mga sementeryo na huwag mag-iwan ng basura ngayong All Saints’ Day.

“The huge volume of garbage collected during cleanup activities in cemeteries year in, year out is a sad footnote to an otherwise beautiful Filipino tradition,” ayon kay Lopez.

Binigyang diin ni Lopez na dapat isapuso ng publiko ang paggunita sa Undas sa pamamagitan ng mga paraang hindi matatambakan ng basura ang mga sementeryo.

“Beyond flowers and candles that punctuate our beautiful tradition of Undas, this occasion demands that we also practice environmental responsibility in honoring the memory of our dearly departed,” dagdag pa ni Lopez.

Sundalo, pulis sa sementeryo

Ipinakalat naman kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga sundalo sa ilang sementeryo sa kalakhang Maynila, para makatuwang ng pulisya sa pagbibigay ng seguridad sa mga taong dumadagsa.

Halos nasa 10,000 pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa 99 sementeryo sa Metro Manila.

Bukod sa uniformed personnel, nag-deploy din ang PNP ng mga pulis na naka-plain clothes.

May mga K-9 din na idineploy, maging mga medical team at police assistance center.

(MARY ANN SANTIAGO, JUN FABON at FER TABOY)