Dahil patuloy na nadadagdagan ang mga hindi nakikilalang tao na napapaslang sa mga operasyon ng pulisya at ng pinaniniwalaang mga “vigilante”, nagpasya ang Quezon City Police District (QCPD) na ipaskil online ang mga biktima sa pag-asang makikilala ng pamilya at mabibigyan ng disenteng libing ang mga ito.
Sinabi ni QCPD Director Senior Supt. Guilermo Eleazar na inaayos na nila ang mga plano sa pagbubukas ng isang website ngayong Nobyembre at doon maaaring makita ang mga hindi pa nakikilalang nasawi para sa posibilidad na makilala ng mga kaanak nito.
“This will be for those still unidentified, so their relatives may see and claim them,” ani Eleazar.
Ayon sa record ng QCPD, simula Hulyo 1 hanggang Oktubre 28 ay mayroon pang 75 hindi nakikilalang bangkay na nakalagak sa St. Rafael Funeral Homes sa Congressional Avenue, Barangay Bahay Toro; at sa Light Funeral Services sa Kamias Road sa Bgy. Pinyahan.
Karamihan sa mga bangkay ay nasawi sa operasyon ng pulisya kontra droga; 30 drug suspect ang hindi pa rin nakikilala, habang 20 ang kilala lamang sa kanilang mga alyas. Mayroon ding apat na nasawi sa operasyon ng QCPD na walang kinalaman sa droga.
Samantala, 21 sa mga biktima ay pinaniniwalaang pinaslang ng vigilante, dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Sa pamamagitan ng ilulunsad na website, umaasa ang QCPD na mababawasan ang mga bangkay na nagsisimula nang tumambak sa mga funeral parlor dahil hindi natutubos.
Matatandaang ipinasara kamakailan ng awtoridad ang Henry Funeral Homes sa Bgy. Paang Bundok, La Loma dahil sa paglabag sa sanitation code ng siyudad makaraang ireklamo ng mga kapitbahay ang umaalingasaw na amoy mula sa establisimyento. Natuklasan sa inspeksiyon na daan-daang hindi natutubos na bangkay ang naroon, ang iba ay naagnas na.
IPANALANGIN ANG EJK VICTIMS
Kaugnay nito, hinikayat naman ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na isama sa kanilang mga panalangin ngayong Undas ang mga biktima ng extrajudicial (EJK) killings sa bansa.
Ito ang apela ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, kasabay ng pahayag na magdaraos ng misa sa mga simbahan para sa mga biktima ng extrajudicial killings.
Matatandaang dumami ang nabibiktima ng extrajudicial killings sa bansa kasunod ng pagpapaigting ng gobyerno ng kampanya laban sa droga. (VANNE ELAINE TERRAZOLA at MARY ANN SANTIAGO)