Kapwa sugatan ang magkapatid na pulis at barangay tanod matapos na mauwi sa duwelo ang hindi nila pagkakaunawaan, habang nasugatan din ang ama na umawat sa kanila at natamaan ng ligaw na bala ang napadaan lang nilang pamangkin sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.
Nakadetine na sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) at kinasuhan ng frustrated homicide at physical injury si PO1 Ariel Igus y Gervacio, 34, binata, nakatalaga sa Intramuros Police Community Precinct (PCP) na sakop ng MPD-Station 5, at residente ng Gate 15, Area D, Parola Compound, Tondo, Manila, na nagtamo ng sugat sa kanang hita.
Samantala, nilulunasan sa Mary Johnston Hospital ang kapatid niyang si Anthony Igus y Gervacio, 32, barangay tanod, dahil sa tinamong anim na tama ng bala sa tiyan, kaliwang hita at kaliwang tuhod.
Naka-confine naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang kanilang ama na si Serafin Igus Jr. y Damiar, 58, barangay lupon, dahil sa tinamong tagusang sugat sa magkabilang paa; gayundin ang pamangkin nilang lalaki na 10-anyos, na tinagusan ng bala sa kaliwang hita.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Jay-Ar Mercado, ng MPD-Station 2 (Moriones), dakong 8:50 ng gabi at kapwa lasing ang magkapatid nang magtalo ang mga ito tungkol sa dati nilang awa.
Nadamay naman sa insidente at tinamaan ng bala ang kanilang ama, na umawat sa kanila, gayundin ang kanilang pamangkin na nagkataong dumaraan sa lugar.
Aminado ang pulis na matagal nang may tampo sa kanya ang kapatid dahil hinuhuli niya ang mga sangkot sa ilegal na gawain sa kanilang lugar, kahit alam niyang kaibigan ito ni Anthony. (Mary Ann Santiago)