Isang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang namatay habang walong sundalo ang nasugatan sa panibagong engkuwentro sa Sulu nitong Linggo sa Sulu, ayon sa Western Mindanao Command (WestMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Maj. Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng AFP-WestMinCom, na nakasagupa ng mga sundalo ang nasa 100 miyembro ng Abu Sayyaf sa Barangay Panglayahan, Patikul, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Tan, nagsasagawa ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion ng focused military offensive nang mangyari ang sagupaan habang patungo ang tropa sa detachment sa Sitio Baladad sa Bgy. Panglayahan, Patikul.

“The firefight was fierce and resulted in eight soldiers on our side wounded but the Abu Sayyaf suffered an undetermined number of casualties,” ani Tan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng militar para tugisin ang mga bandido, at nagsagawa na rin ng blocking operation ang Joint Task Force Sulu sa lugar.

Una nang napaulat ang pagkamatay ng isang miyembro ng Abu Sayyaf sa pakikipagsagupa ng 11th Scout Army Rangers Company sa walong bandido, sa pangunguna ni Muamar Askali, alyas Abu Rami, sa Bgy. Bunot, Indanan, Sulu.

Sa kabuuan, 38 na ang nalalagas sa Abu Sayyaf simula nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpulbos sa teroristang grupo noong Hulyo. (FER TABOY)