ANG United States at Japan na dating mortal na magkaaway noong World War II ay mahigpit at matalik na magkaibigan at magkaalyado ngayon sa larangan ng military at ekonomiya. Ang China at Pilipinas na kapwa Asyanong bansa ay magkaibigan, magkarelasyon at magkadugo mula pa noong daan-daang taon. Maraming Pinoy ang may dugong-Intsik, kabilang na sina Jose Rizal at Tita Cory.
Gayunman, ang relasyon ay nagkalamat noong 2012 bunsod ng pananakop ng dambuhalang China sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) na malapit sa bansa at tradisyunal na pangisdaan ng mga Pilipino. Nitong nakaraang linggo, pumunta si President Rodrigo Roa Duterte sa China at tahasang inihayag sa harap nina Chinese Pres. Xi Jinping at iba pang mga opisyal, na humihiwalay ang ‘Pinas sa US at higit na nais na maging malapit sa China at Russia. “Tayong tatlo, China, Pilipinas at Russia, laban sa mundo”, pahayag ng machong presidente sa gitna ng palakpakan ng Chinese officials.
Kasunod ng China visit, si Mano Digong ay nagpunta sa Japan para makipag-usap kay Prime Minister Shinzo Abe upang maisulong ang relasyong-pang-ekonomiya at kapayapaan sa West Philippine Sea. Ang Japan at China ay mahigpit na magkalaban hindi lamang sa aspeto ng ekonomiya kundi maging sa larangan ng military. May hidwaan din sila sa isang isla na parehong inaangkin ng Japan at China.
Sa harap ng mga delegado ng Japanese business groups na inisponsor ng Japanese Business Organization, sinabi ni RRD na noong magpunta siya sa China, ang Pilipinas ay hindi nakipag-usap o nakipagkasundo sa China tungkol sa larangan ng military (military alliance). Ayon sa kanya, kahit gusto niyang lagutin ang military at economic ties sa US, wala namang military alliance ang bansa sa dragong China.
Batid ni President Rody na magkaalyado ang US at Japan na kapwa matinding kaaway ng China. Nangako rin siya na susuportahan ang Japan sa mapayapang pagresolba sa alitan nito sa China kaugnay ng angkinan sa isang isla sa East China Sea. Kung ilang beses nang muntik-muntikang magkasagupa ang military forces ng Japan at China sa nasabing karagatan.
Pahayag ni RRD: “I went to China for a visit and I would like to assure you (Japan) that what was discussed there were all economics. We did not talk about arms, we did not talk about stationing troops. We avoided talking about military alliances.” Nagtataka ang mga Pinoy kung ano ang nakabighani kay Mano Digong upang kampihan ang China na sumasakop sa ilang reefs at shoal sa ating bansa at nagtataboy pa sa ating mga mangingisda.
Nagtataka rin ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko kung bakit pinalalayas niya sa bansa ang US businessmen at ang kanilang negosyo na nagkakaloob ng libu-libong trabaho sa milyun-milyong mamamayan. Hindi ba nais niyang bigyan ng trabaho ang... ating mga kababayan? Kung mag-aalsa-balutan ang mga Kano, tiyak na maraming Pinoy ang mawawalan ng trabaho, tulad ng sa Business Processing Outsource o Call Center at sa iba pang mga kumpanya ng US dito. “Pinalalayas niya ang mga kano, pero heto siya at inaakit ang Japan na mamuhunan sa Pinas,” parunggit ni kaibigan.
Magsuri tayo: Ilan ba ang mga Pilipino sa US, ilan ba sila sa China, at ilan ba sila sa Russia? Tiyak na mas marami ang mga Fil-Am sa Amerika na inaaway ngayon ng ating pangulo. Marami silang trabaho roon at nagpapadala ng pera sa bansa. (Bert de Guzman)