Magiging maulan ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa All Saints’ Day at All Souls’ Day dahil sa umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni Glaiza Escullar, weather specialist ng PAGASA, na bukod sa ITCZ, paiigtingin pa ito ng isa pang low pressure area (LPA) na inaasahang mabubuo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) at posibleng pumasok sa bansa bukas, Nobyembre 1.

Makararanas din umano ng normal na pag-ulan sa Palawan, Cagayan, Isabela at Ilocos Norte, ayon sa PAGASA, habang may kalat-kalat namang pag-ulan sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng Luzon.

Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang mga dadalaw bukas sa mga puntod na magdala ng payong at iba pang panangga sa ulan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

NO LANE CLOSURE SA NLEX, SCTEX

Kaugnay nito, magagamit naman ng mga motorista ang lahat ng lane sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) dahil suspendido ang lahat ng pagawain sa nabanggit na mga highway hanggang sa Huwebes, Nobyembre 3.

Ito, ayon kay Manila North Tollways Corporation Vice President for Construction Management Service Nemensio Castillo, ay kaugnay ng pagdagsa ng mga sasakyang patungo sa Central at North Luzon ngayong Undas.

Tiniyak din ng Tollways Management Corporation na bukas ang lahat ng toll booth sa lahat ng intersection ng NLEX at SCTEX, at nakaalerto rin ang lahat ng patrol car at crew upang umagapay sa mga motorista.

Libre rin sa nasabing mga petsa, simula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi ang towing sa mga sasakyang titirik sa NLEX at SCTEX.

Bente kuwatro oras din ang libreng mechanic service, first aid sa lahat ng gasolinahan, bukod pa sa may libreng bottled water at malakas na Wi-Fi connections. (Rommel P. Tabbad at Light A. Nolasco)