SEMENTERYO. Huling hantungan para sa marami, ngunit para sa ilang pamilya sa Cebu City, ito ay nagsisilbing liwanag at pinaghuhugutan nila ng pag-asa para magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Sa pusod ng dalawang malaking sementeryo sa Cebu City kasi matatagpuan ang dalawang malaking museleo, na ginawang day care center upang makatuntong sa paaralan ang mga paslit, na ang pamilya ay napipilitang manirahan sa mga sementeryo dahil sa kawalan ng sariling tahanan at hanapbuhay.
Sa isang panayam ng Balita, sinabi ni Mrs. Mary Jane Edil-Uy, na Abril, 2012 nang simulan ang operasyon ng dalawang day care center na matatagpuan sa Carreta Cemetery sa General Maxilum Avenue, at Cebu Chinese Cemetery, sa North Reclamation Area, kapwa sa Carreta, Cebu City.
Teacher Mary Jane
Si Edil-Uy, 31-anyos, nagtapos ng Bachelor of Secondary Education noong 2007 sa University of the Visayas, ang nag-iisang preschool teacher ng mga naturang day care center, na araw-araw ay matiyagang nagtuturo sa may 85 batang nagkaka-edad ng mula tatlo hanggang anim na gulang, at ang mga pamilya ay pawang nakatira sa mga nabanggit na sementeryo.
Ayon sa guro, noong una ay nagsimula lang sila sa summer classes ngunit malaunan ay naging regular na o ‘June to March classes.’
Kwento pa niya, si Father Max Abalos, SVD, ang founder ng non-government organization na Action for Nurturing Children and Environment (ANCE), ang siyang may ideya na magtayo ng day care center sa loob ng mga sementeryo.
Nakita aniya ng pari, na dumarami na ang mga pamilyang naninirahan sa mga sementeryo na hindi mapag-aral ang mga anak, kaya’t nagdesisyon siya na maglagay ng day care center doon, upang maturuan ang mga bata, hindi lamang ng mga bagay na may kinalaman sa academics, kundi maging sa values na rin.
Residente, dumarami
Nabatid na may mahigit 40 pamilya ang naninirahan sa Carreta Cemetery, na isa sa pinakamalaking sementeryo na minamantine ng Cebu Metropolitan Cathedral at Sto. Rosario Parish, habang nasa mahigit 30 pamilya naman ang naninirahan sa Cebu Chinese cemetery, na pinakamatanda at pinamalaking sementeryo sa Cebu.
Ang mga magulang ng mga bata ay karaniwang nagtatrabaho rin sa sementeryo bilang tagagawa ng mga puntod at mga lapida o kaya’y nagtitinda ng mga bulaklak at kandila kaya’t walang kakayahang mapag-aral ang kanilang mga anak sa regular na paaralan.
Dito na nagdesisyon ang ANCE na gumawa ng paraan upang mapatuntong sa paaralan ang mga paslit doon, na ang normal na buhay ay sa sementeryo na umiikot dahil doon na sila ipinanganak at nagkaisip.
Katwiran ng ANCE, mas mabuti nang mag-aral sa sementeryo ang mga bata, kaysa naman tuluyan nang hindi makatuntong ng paaralan ang mga ito.
Musoleo, pahiram lang
Laking pasalamat naman ni Edil-Uy at ng ANCE dahil may mababait ring pamilya na pumayag na gawing day care center ang musoleo ng kanilang mga pamilya para makapag-aral ang mga bata.
“Yung sa Carreta (Cemetery), ang musoleo doon ay pagma-may-ari ng Medina Family, at sa Chinese (Cemetery) naman ay pag aari ng Ong King Family,” ani Edil-Uy.
Naglagay lamang sila ng blackboard, mga educational charts at iba pang educational materials at mga Monobloc chairs para magamit niya sa pagtuturo.
Malaunan ay nanakaw pa ang mga upuan kaya’t minsan ay sa sahig na lamang nauupo ang mga mag-aaral, o kaya’y nagbabaon ng sarili nilang upuan.
Mula sa 8, 85 na
Nagsimula aniya sila sa walong estudyante lamang hanggang sa dumami na ang mga ito sa paglipas ng mga taon at naging 85 estudyante na ngayon, at may pailan-ilan na rin aniyang estudyante ang hindi nakatira sa sementeryo.
Kumusta si teacher?
Apat na taon nang kasal ngunit hindi pa nabibiyaan ng anak kung kaya’t malaki ang panahong naiuukol ng guro sa kanyang mga mag-aaral.
Masaya namang ikinuwento ng guro na masaya siya sa kanyang ginagawa dahil nakikita niyang pursigido ang kanyang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at karamihan sa mga ito ay nagiging top pa sa kanilang klase pagpasok ng mga ito sa grade school.
“Oo, full time talaga. Sulit naman ang pagod at pagsusumikap ko na maturuan sila dahil pursigido po sila sa kanilang pag aaral, at mostly sa mga bata ay nagiging top sa klase nila sa grade school,” ayon pa kay Edil-Uy.
“Ang oras ng klase ko sa Carreta ay 7:30-9:30am, na may 16 na estudyante at pagkatapos lilipat din ako sa Chinese ng 10:00am to 4:30pm, na may 69 estudyante,” aniya pa.
May walong taon na aniya siyang preschool teacher sa ANCE at ang apat na taon dito ay ginugol niya sa pagtuturo sa mga day care center sa sementeryo.
Kapag panahon ng Undas ay wala namang problema sa guro dahil holiday naman at wala silang pasok, ngunit pagkatapos ng okasyon ay balik-klase na rin sila.
Wala naman aniya siyang nakikitang problema sa pagtuturo kahit hindi ordinaryo ang kanilang silid-aralan, dahil mababait naman ang kanyang mga mag-aaral, maliban na lamang aniya sa init ng panahon dahil wala silang kuryente at kapag umuulan ay nababasa sila.
Aminado noong una ay nanibago rin siya at hindi kumportableng magturo sa loob ng sementeryo ngunit malaunan ay nasanay na rin siya at napalagay ang loob, lalo na’t mababait ang pakikitungo sa kanya ng mga magulang ng mga bata at pursigidong matuto ang kanyang mga estudyante.
Me multo ba?
“Hindi naman po nakakatakot.. wala naman po akong na experience na may multo. Saka umaga naman po (ako nagtuturo),” natatawang kwento pa niya, sa mamamahayag na ito.
Maging ang mga bata aniya ay wala rin namang naikukwentong nakakatakot sa sementeryo kahit na sa ibabaw mismo ng mga nitso natutulog ang mga ito.
TF P30 lang
Nabatid na kinakailangan lamang magbayad ng P30 kada buwan ng mga estudyante bilang tuition fee, ngunit karamihan aniya sa mga ito ay hindi pa rin makapagbayad dahil sa kawalan ng trabaho ng mga magulang.
Nilinaw naman ng guro na hindi hadlang ang pagkabigo ng mga bata na makapagbayad ng tuition fee upang patigilin ang mga ito sa pag-aaral. Hindi aniya nila pinipilit ang mga ito na magbayad, dahil ang mahalaga sa kanila ay tuluy-tuloy na makapasok ang mga ito sa klase at huwag mag-absent.
“Ginagawa ko (pag hindi nakakabayad ang mga bata)? Wala lang, sabi ko na bayaran na lang (tuition fee) kung magkapera sila, basta hindi lang umabsent ‘yung mga bata,” aniya. “Mostly kasi walang trabaho ‘yung mga parents kaya di makabayad.”
Mensahe lang aniya niya sa mga bata na huwag maging hadlang ang sitwasyon at estado nila sa buhay upang magpursige na makatapos ng pag-aaral dahil ang edukasyon ang susi upang makaahon sila sa kahirapan.
“Mensahe ko sa kanila na pagbubutihin lang ang pag aaral sa ganon makapagtapos na sila at magkaroon nang magandang buhay,” aniya pa.
Umaasa rin ang guro na darating ang panahon na may mga taong mabubuting loob ang magkakaloob sa kanila ng donasyong normal na silid-aralan upang hindi na sa loob ng sementeryo mag-aral ang kanilang mga estudyante. (MARY ANN SANTIAGO)