Umapela sa publiko ang isang paring Katoliko na igalang ang simbahan at huwag gumamit ng mga religious items at garments tulad ng krusipiho at damit ng mga pari at madre bilang costume sa pagdalo sa mga Halloween party.
Ang apela ay ginawa ni Father Roy Bellen, na siyang head ng Office of Communications ng Archdiocese of Manila, matapos mapansing marami ang gumagamit ng mga pabaligtad na krusipiho, na simbolo ng mga anti-Christ, sa kanilang mga Halloween costume.
Isa pa sa sikat ngayon ay ang paggamit ng costume ni Valak, na isang demonyong nakasuot ng damit ng madre, na mapapanood sa pelikulang ‘The Conjuring 2.’
Ayon kay Bellen, ang paggamit bilang Halloween costume sa krusipiho ay nagpapakita aniya ng kawalang paggalang sa naturang religious garment, gayundin sa pananampalatayang Katoliko.
Giit pa ni Bellen, ang krusipiho ay dapat na respetuhin at igalang dahil ito’y mahalagang bahagi ng buhay Kristiyano.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Bellen ang mga mananampalataya na ipanalanganin ang mga mahal nila sa buhay na yumao na ngayong All Saints’ Day at All Souls’ Day, kasabay ng pagbisita at pagtitirik ng kandila sa kanilang mga puntod. (Mary Ann Santiago)