HINDI ko mapigilan ang aking sarili na ibahagi sa inyo ang napapansin kong tila may mga grupong TINITINGNAN at TINITITIGAN ang Philippine National Police (PNP) habang papasok na sa kritikal na bahagi ang kanilang pakikipaglaban sa mga sindikato ng ilegal na droga sa buong bansa.

Grupong mga TINITINGNAN ang nasa listahang maaaring makita ninuman. Naisapubliko na ang mga pangalan ng mga medyo sikat ngunit marami sa kanila ay hindi kilala. Karamihan kasi ay galing sa mahihirap na lugar, at dito pa nga sa Metro Manila, lalo na sa Maynila, Pasay at Quezon City, sa mga bangketa at tabi-tabi lang ng mga kalsada nakatira.

Ang may halos 4,000 bangkay na tinakpan ng diyaryo sa mga kalsada, bangketa at ilang barung-barong sa iba’t ibang lugar sa buong bansa ay galing sa grupong ito ng mga TINITINGNAN – na ang 1,725 ay ang pinakahuling bilang ng umano’y napatay sa lehitimong operasyon ng PNP, samantalang ang kulang na lang ng konti sa bilang na 2,000 ay sinasabing mga biktima ng “extrajudicial killing” na talamak daw na nagaganap sa buong bansa.

Ito naman ang kaibahan ng grupong tinawag kong TINITITIGAN. May listahan na raw nito ang PNP ngunit hanggang ngayon, ni katiting na titik ng kanilang mga inisyal, ay wala pang nakukuha ang mga taga-media. Nakatira sila sa lugar ng mga nakaririwasang pamilya na ‘di basta-basta maaaring pasukin ng mga operasyong Tokhang o Double Barrel ng PNP – mga operasyong ramdam na ramdam naman sa mga lugar ng mahihirap na pamilya. May mga pulitiko, negosyante at mga artista sa grupong ito ngunit mabibilang lang sa daliri ang mga natumba na sa hanay nila.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Nito lamang Biyernes, buong tiyaga kaming naghintay sa Camp Crame dahil sa balitang may paparating na mga artista na makikipag-usap kay CPNP Ronald “Bato” Dela Rosa, ngunit iba sa inaasahan namin ang nangyari. Dalawang artista lang ang dumating, nagpa-drug test pa nga at ‘di naman sila iniharap ng PNP sa media. Ang dalawang artista na lamang ang nagkuwento kung ano ang nangyari sa meeting nila at namigay pa nga ng mga selfie nilang kuha sa cellphone habang nakikipag-usap kay Chief PNP Bato.

Sabi nga ng ilang sumusubaybay sa mga nangyayari— ang ibang TINITITIGAN ay maaaring makiusap, ... maging testigo at kapag binuwenas ay makakapag-overnight pa sa “Whitehouse” ang mansiyong tinutuluyan ng Chief PNP sa Camp Crame, kumpara sa grupong TINITINGNAN na lubhang mas makipot ang landas na tinatahak tungo sa pagbabagong-buhay.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)