Infanta, Pangasinan --- Nakapaglayag at nakahuli na ng isda ang Pinoy fishermen sa fishing ground na sakop ng Scarborough Shoal.

“Nagpapasalamat talaga kami at naging maganda na ang ugnayan ng ating Pangulong (Rodrigo) Duterte sa China at naging maganda na rin ang takbo ng aming buhay at sana tuluy-tuloy na ito,” ayon sa mangingisdang si Gilbert Baoya.

Simula noong 2012 ay itinaboy at ni-harass umano ng Chinese coast guards ang mga Pinoy na mangingisda doon, dahilan upang mawalan sila ng mas mahusay na kabuhayan.

Si Baoya ay isa sa unang grupo ng mga mangingisda mula sa Cato, Infanta, na naglayag sa Panatag o Scarborough Shoal.

National

Grok, hindi na aalisin sa Pinas—DICT

“Naglakas loob talaga kaming mga fisherman na pumalaot ng marinig namin na nagkaroon ng magandang ugnayan ang Pangulong Duterte sa China. Totoo nga ang kanyang mga salita na magiging malaya na makapunta (kami) sa Scarborough,” dagdag pa ni Baoya.

Nitong Oktubre 24, sinubukan umano ng grupo ni Baoya na magtungo sa lugar, ngunit hinarangan ng Chinese coast guards.

Nang ihayag ng Pangulo nitong ilang araw na ang nakakaraan, na pwede nang mangisda ang mga Pinoy doon ay nasorpresa umano sila dahil walang nagbawal sa kanila.

Nakahuli ng malalaking isda ang grupo ni Baoya, tulad ng black at orange lapu-lapu, bakalaw, tanigue, at damas o bisugong bato, at iba pa.

Dahil wala nang banta, laking pasasalamat sa Pangulo ng mga mangingisda. (Liezle Basa Iñigo)