HINDI ordinaryong sementeryo ang matatagpuan sa isang barangay sa Kalinga na may kakatwang mga puntod na ang disenyo ay hango sa karanasan, propesyon o hilig ng yumao.
Makukulay na puntod ng barko, helicopter, kalapati, terraces, cake, sapatos, eroplano, bibliya, kabayo, simbahan, kotse, castle, temple at marami pang iba ang agaw pansin ngayon sa barangay cemetery sa gilid ng highway ng Barangay Nambaran, Tabuk City, Kalinga.
“Hindi ito display, talagang mga puntod ito ng isang yumao at naisip ng kani-kanilang mga kamag-anak na gawan ng isang disenyo ang kanilang mahal sa buhay na hango sa naging hilig nito noong nabubuhay pa,” pahayag ni Barangay Captain Victor Edduba.
Ayon kay Edduba, 1986 nang magkaroon ng sariling sementeryo ang kanilang barangay. Nagsimula ang paglalagay ng disenyo sa ilang puntod noong 2000 at ang una ay isang van, dahil mahilig bumiyahe ang nakahimlay doon.
Aniya, isa itong pamamaraan upang mabigyan ng kasiyahan ang mga nakahimlay base sa kanilang kinahiligan noong nabubuhay pa at kasiyahan na rin sa pagbista ng kanilang pamilya lalo na ngayong Pista ng mga Patay.
“Mainam na may konting kasiyahan na makikita sa sementeryo, sa halip na puro kalungkutan,” wika ni Edduda.
Agaw-pansin sa sementeryo ang puntod na malaking kalapati at kabayo. Mula sa pagkabata ay mahilig umano sa pag-aalaga ng kalapati ang yumao, samantalang iyong kabayo naman ay simbolo ng pangarap na unang binili nang yumaman ang nakahimlay.
Ang sapatos naman ay pinangarap ng yumaong si Sawat Ayut Yao, 85, na bago namatay noong 2014 ay humiling na magkaroon ng sikat na sapatos na Adidas. Mayroon ding nakalibing na miyembro ng New People’s Army kaya may maso’t karit na nakapinta sa puntod nito.
Ang nakahimlay sa puntod na hugis-simbahan ay isang katekista at isa naman ay mahilig sa kotseng Volkswagen. Agaw-pansin din ang puntod na may disenyong hagdan-hagdang palayan o rice terraces, dahil ang yumao ay isang magsasaka.
Ayon naman sa mag-asawang Vicente at Melba Angiwot, kahilingan ng kanilang ina na si Biyada Awingot na bago namatay sa edad na 92 noong Mayo 17, 2015 ay makasakay ng helicopter para maihatid siya sa kanyang home tribe sa upland Barangay Tulgao, Tinglayan, Kalinga.
Ayon kay Melba, noong buhay pa ang kanyang ina ay naiinggit ito sa kanyang mga apo na nangibang-bansa at nakasakay ng eroplano, kaya nnangarap itong makasakay din kahit sa helicopter man lamang.
“Ilang buwan bago siya namatay ay hirap siya sa paglalakad, dahil ‘yong mga paa niya nagmistulang hugis diamond at lagi nitong sinasabi na sana bago daw siya mamatay ay makasakay siya ng helicopter at ihatid siya sa kanyang sinilingang lugar sa Tulgao,” kuwento ni Melba.
Aniya, wala naman silang kakayahan para umarkila ng helicopter para sa kahilingan o pangarap ng ina, kaya nang pumanaw ito ay naisip ng kanilang pamilya na lagyan ng helicopter ang ibabaw ng puntod makalipas ang apat na araw nang mailibing ito, para sa katuparan ng kanyang kahilingan.
Ang nagdisenyo at gumawa ng helicopter ay ang Kalinga artist na si Bobot Mamanao at ginastusan nila ito ng P60,000.
“Hindi naman bawal ito sa aming kultura at ito ay isang tradisyon na pamamaraan ng kasiyahan na maibigay namin ang kanilang kahilingan na hindi namin nagawa noong buhay pa siya,” aniya.
Ayon naman kay Kagawad Vicente, binabalak din ng pamilya ng mga unang nailibing sa sementaryo na makagawa ng mga disensyo base sa hilig o propesyon ng kanilang mahal sa buhay.
“Magastos kasi ito at depende pa sa disenyo. Ang totoo hindi ginawa ito para maging tourist spot, ito ay simbolo ng kasiyahan ng mga yumao,” aniya. (RIZALDY COMANDA)
[gallery ids="203656,203655,203650,203651,203652,203653,203654,203649,203648,203647"]