SINASABING ang buhay ng bawat tao sa daigdig ay isang paglalakbay. At lahat ng taong isinilang ay parang nakikiraan lamang sa mundo. Dumarating ang kanyang wakas o kamatayan. Sa iba’t ibang paraan at dahilan. May sa bigla at tahimik na paraan, sa pagkaksakit, aksidente o sakuna, kalamidad. Mayroon ding sa marahas at malagim na pangyayari bunga ng kalupitan ng kanyang kapwa.

Bagamat may nagsasabing sa kamatayan nagwawakas at natatapos na ang lahat, marami naman ang naniniwala na hindi namamatay ang pagmamahal sa namayapang mahal sa buhay. Hindi naglalaho ang kanilang mga alaala. Ang pagpapahalaga sa mga namayapa ay hindi nalilimot ng mga Pilipino. Ang pagpapahalaga sa mga namayapa ay isa nang tradisyon at kulturang nakaugat na sa ating lahi.

Ang pagpapahalagang ito sa mga alaala ng namayapang mahal sa buhay ay tumutingkad kapag sumapit na ang unang araw ng Nobyembre. Bagamat ang Nobyembre 1 ay itinakda ng Simbahan na “Todos los Santos” o Araw ng mga Banal upang bigyan ng parangal ang lahat ng mga banal, sa iniibig nating Pilipinas ay iniuukol natin ang araw na ito sa paggunita sa lahat ng mga namayapa o yumao nating mga mahal sa buhay at mga kamag-anak.

Tanawin sa mga sementeryo, memorial park at iba pang libingan ang pagkaskaroong muli ng galaw ng buhay na sa nakalipas na mga araw ay mapanglaw. Ang mga naiwang kaanak ng mga yumao ay nagtutungo sa nasabing mga pook. Dinadalaw ang puntod at libingan ng namayapang mahal sa buhay. Inaalayan ng mga sariwang bulaklak. Tinitirikan ng mga kandila ang libingan at pinag-uukulan ng panalangin.

Ang tradisyong ito’y patuloy na ginagawa ng mga Pilipino, mahirap man o mayaman at maging anuman ang kalagayan sa lipunan. Isang katibayan na hindi sa kamatayan nagwawakas ang ugnayan ng nabubuhay at ng mga namayapa.

Marami rin ang nagsasabi na sa pag-aalay ng mga bulaklak, pagtitirik ng mga kandila at pag-uukol ng mga panalangin sa mga namayapang mahal sa buhay, ang tanikala ng buhay ay nag-uugnay sa lahat ng salinlahi. Ang pambansang tradisyong ito, kahit na nagkakaroon ng pagbabago tulad ng nagiging parang karnabal ang ibang libingan at memorial park, ang pagdalaw sa mga libingan ng namatay na kaanak at iba pang mahal sa buhay ay isang napakagandang mukha ng ating kultura. At ang paggunita sa mga alaala ng namayapang mahal sa buhay ay... hindi lamang nakasentro sa pamilya.

Nakatuon din ito sa lahat ng taong nasa komunidad, bayan, lalawigan at lungsod sa buong bansa.

May nagsasabing ang tradisyong ito kung Todos los Santos ay nag-ugat sa relihiyon at paniwalang ang tao, kapag namatay na ay maaring muling mabuhay. May naniniwalang ang mga dakila ay iniaakyat sa langit upang maging banal o santo. Sa paniniwalang Kristiyano, ang muling pagkabuhay ng mga yumao ay binabanggit din. Ang mga patay ay muling mabubuhay sa katapusan ng mundo o araw ng paghatol. (Clemen Bautista)