ANG Halloween (All Hallow’s Eve), na isa sa pinakamatatandang holiday sa mundo, ay ipinagdiriwang tuwing gabi ng Oktubre 31, bago ang Hallows’ Day, na tinatawag ding Todos los Santos o Araw ng mga Santo tuwing Nobyembre 1, at Araw ng mga Kaluluwa naman ang Nobyembre 2. Ang tatlong magkakasunod na araw na ito ay tinatawag na Allhallowtide, ang panahon para sa taunang pagbibigay-pugay sa mga santo at martir, at pag-aalay ng panalangin para sa mga namayapang mahal sa buhay.
Nagsimula ang Halloween sa sinaunang kapistahang Celtic na Samhain, na nagsisipagsindi ng siga at nagsusuot ng mga costume ang mga tao upang itaboy ang mga multo at masasamang espiritu. Noong ika-18 siglo, itinalaga ni Pope Gregory III ang Nobyembre 1 bilang Todos los Santos upang bigyang-pugay ang mga santo, na sinangkapan ng ilang tradisyong Samhai. Sa araw bago ang Halloween, na kalaunan ay naging isang kaganapan sa komunidad na ibinatay sa mga pambatang aktibidad, gaya ng trick-or-treat, pagsisiga, costume parties, pagbisita sa mga “haunted house” at pag-iilaw ng mga jack-o-lantern.
Sa trick-or-treat, nagbabahay-bahay ang mga batang nakasuot ng costume at nakamaskara, nanghihingi ng treats, gaya ng mga candy, prutas at laruan—at maging pera. Ginaya ito sa sinaunang “pangangaluluwa” o ang pagbabahay-bahay ng mahihirap tuwing Nobyembre 1 upang tumanggap ng pagkain kapalit ng pagdarasal.
Tanyag ang kapistahan ng Halloween sa United States, Britain, Ireland, at Canada. Nagdiriwang ang maraming bahay sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila, na tinatawag na “soul lights”, sa bawat silid ng bahay. Inspirasyon sa mga costume ang mga karakter ng kababalaghan gaya ng mga halimaw, multo, kalansay, diwata, mangkukulam, ninja at hari o reyna.
Magkakaiba-iba naman ang mga tradisyon: Idinadaos ng mga Pilipino ang Halloween tuwing Oktubre 31 sa pamamagitan ng mga party at nagsasagawa ng trick-or-treat ang mga bata. Nagpapalamuti rin ang mga hotel, shopping mall, at gusali ng mga dekorasyong may temang katatakutan, naglulunsad ng mga promo para sa mga bata gaya ng mga paligsahan sa pinakamaganda o pinakanakakatakot na costume, libreng mga candy, laruan, sombrero at maskara. Sa susunod na dalawang araw—ang Todos los Santos at Araw ng mga Kaluluwa—magsisiuwian ang mga Pilipino sa kani-kanilang lalawigan para sa muling pagsasama-sama ng magkakamag-anak upang gunitain ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Nagsisipagluto ang mga tagalalawigan ng mga kakaning gaya ng kalamay, ginatan at suman, na sinasabayan ng higop sa mainit na tsaa o salabat. Sa kanlurang bahagi ng mundo, kumakain ang mga tao ng mga pagkaing mula sa gulay, gayundin ng barmbrack o fruitcake, candy corn, potato pancake, soul cake, mansanas, pumpkin pastry, at pie.
Sa Spain, nag-aalay ng mga espesyal na kakanin, na tinatawag na “bones of the holy” (huesos de santos) sa mga libingan ng simbahan. Sa Poland, malakas na umuusal ng panalangin ang mga tao habang naglalakad sa kagubatan upang bigyang ginhawa ang kaluluwa ng mga yumao. Sa Ireland at Canada, may nakagawiang meatless-day, at pancake ang inihahain sa maghapon. Sa Mexico, nagtatayo ang mga bata ng mga altar upang imbitahan ang mga angelito o kaluluwa ng mga yumaong paslit. Sa Finland naman, nagsisindi ang mga tao ng mga kandila na tinaguriang valomeri (dagat ng liwanag) sa mga sementeryo.