ISA si Christine Bersola sa loyal and die-hard fans ng AlDub. Nang mag-umpisang sumikat ang love team nina Alden Richards at Maine Mendoza hanggang ngayon, sobra-sobra ang ipinapadamang suporta ni Tintin sa AlDub.
Aminado si Tintin na bata pa lang siya ay napakahilig na niya sa showbiz at fan na siya ng mga sikat na artista lalung-lalo na ni Sharon Cuneta.
Ngayon ay fanatic ng AlDub ang misis ni Julius Babao, pero tagahanga rin siya ng tambalang LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil at ng KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Pero aware kaya si Tintin na usap-usapan ng AlDub Nation at maging ng staff ng Eat Bulaga ang itinuturing na pag-eksena niya nang wala sa lugar sa fans day ng sikat na tambalan?
Pinapalabas pa raw ni Tintin na isa siya sa mga ninang sa kasalan ng AlDub sa kalyeserye pero hindi naman daw siya kinuhang ninang.
“Kahit na hindi siya bahagi ng kasal-kasalan na ‘yun, eh, nagpupumilit pa rin siyang dumating na parang feeling niya, eh, part siya ng malaking event na ‘yun,” sabi ng isang staff ng Eat Bulaga na nakausap namin.
Tiyempo kasing nasa studio kami ng EB at narinig namin ang sentimiyento ng AlDub fans at pati na nga ang ilang staff ng show.
“Hindi naman porke isa siyang celebrity, eh, dapat na bigyan din siya ng special attention ng AlDub. Hindi maganda ang ginawa niya sa fans day naming ‘yun,” emote pa ng isang staff ng show.
Kuwento pa ng staff, nagbigay daw ng oras ang management ng EB para sa fans pagkatapos ng kalyeserye wedding nina Alden at Maine para makausap at makapagpa-picture sila sa dalawa.
Pero naantala ang oras para sa fans nang agad-agad nang umakyat sa stage si Tintin na napakahaba ng binasang inihandang sulat para sa idolo nila.
“As in sobra-sobra ang emote niya na parang inihantulad pa niya ang love story ng AlDub sa kanilang dalawa ni Julius Babao,” sey ng source namin.
Sa haba raw ng emote ni Tintin, nairita na ang mga staff ng show na kulang na lang ay senyasan na siyang bumaba na sa entablao dahil sa totoo lang naman ay wala naman sa programa ang ginawa nito.
“Naku, naging cause of delay siya,” dugtong ng isang maimpluwensiyang staff ng Eat Bulaga. (JIMI ESCALA)