Nagsimula nang dumagsa sa mga sementeryo ang mga mamamayan upang bisitahin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa Manila North Cemetery, sinabi ni Officer-in-Charge Daniel Tan, Biyernes pa lang ng gabi ay marami nang bumibisita sa sementeryo at higit pa aniyang dumami ang mga bumisita doon pagsapit ng Sabado na batay sa pagtaya ni Tan ay umabot sa 20,000 katao.

Sa pagtaya naman ng Manila Police District (MPD), hanggang 11:00 ng umaga ng Linggo ay nasa 100,000 na ang mga taong nagtutungo sa sementeryo at magtutuluy-tuloy na ito hanggang sa Nobyembre 2.

Kasabay naman nito, nagpaalala si Tan sa publiko sa mga bagay na ipinagbabawal ipasok sa sementeryo, kabilang dito ang mga sumusunod:

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

*Posporo, lighter, flammable liquid, sigarilyo, pintura, thinner, garden tools, bladed weapons, mga baril, at iba pang matutulis at matatalas na bagay.

*Mahigpit rin namang ipinagbabawal ang pagdadala ng baraha sa loob ng sementeryo, gayundin ng mga nakalalasing na inumin, mga radyo at iba pang bagay na maaaring lumikha ng malakas na ingay.

*Hindi rin pinapayagang makapasok ang mga alagang hayop bunsod ng posibilidad na makapanakit ang mga ito.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umaabot na sa 620 flammable materials, tulad ng mga alcohol, posporo at sigarilyo, at 127 gardening tools at matutulis na bagay tulad ng gunting at iba pa, ang nakumpiska ng MPD sa Manila North Cemetery, isa sa pinakamatanda at pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila. (Mary Ann Santiago)