ITO na ang huling linggo ng kampanya para sa halalan sa United States. Sa Lunes, Nobyembre 7, ihahalal ng mga botante sa Amerika ang susunod nilang presidenteā€”maaaring si Hillary Clinton ng Democratic Party o si Donald Trump ng Republican Party.

Masusing nakasubaybay ang mga Pilipino sa eleksiyon sa Amerika dahil sa maraming dahilan. Isa sa mga ito ang katotohanan na mahigit isang milyong Pilipino sa ngayon ang nakatira at nagtatrabaho sa Amerika at karamihan sa kanila ay boboto rin. Isa pang dahilan ay malaki ang epekto sa ating bansa ng polisiyang panlabas ng Amerika at maaaring mayroong mga plano ang susunod na pangulo na makaaapekto nang labis sa atin.

Nabanggit ang Pilipinas sa mga debate sa pagitan nina Clinton at Trump. May punto pang tinagurian ni Trump, sa kanyang paninindigan laban sa mga migrante, partikular na sa mga Muslim, ang Pilipinas bilang isa sa mga teroristang estado sa mundo, na ang mamamayan ay hindi dapat na pahintulutang makapasok sa Amerika. Posibleng nasa isip niya ang mga grupong Islam na tinutugis ngayon ng ating militar sa Mindanao, kung saan matagal nang aktibo ang operasyon ng puwersang Amerikano bilang katuwang ng sandatahang lakas ng Pilipinas.

Ang pahayag ni Pangulong Duterte sa isang forum sa Tokyo noong nakaraang Miyerkules na nais niyang umalis na sa bansa ang lahat ng dayuhang tropa sa loob ng dalawang taon ay higit pang nakadagdag sa nagbabago nang opisyal na ugnayan natin sa Amerika. Nasabi tuloy ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na kilalang malapit kay Pangulong Duterte, na sakaling mahalal si Clinton ay posibleng makatulong siya sa usapin dahil personal niyang kaibigan ang mga Clinton; siya at si dating US President Bill Clinton ay magkamag-aral sa Georgetown University noong 1960.

At malaki ang posibilidad na si Hillary Clinton ang magwawagi sa eleksiyon. Sa survey ng USA Today-Suffolk University nitong weekend, lumamang siya ng siyam na puntos kay Trump ā€” 47 porsiyento laban sa 38 porsiyento ā€” sa isang four-way race. Higit din siyang pinapaboran ng mga itim, Hispanic, at Asian-American, gayundin ng kabataang botante mula sa magkakaibang lahi. Kapag nagkataon, siya ang magiging unang babaeng presidente ng United States.

Gayunman, maraming Amerikano ang nababahala sa posibilidad na magkaroon ng karahasan sa Election Day, matapos na ibunyag ni Trump na magkakaroon ng dayaan, bagamat hindi siya nagprisinta ng anumang ebidensiya. Sinabi niyang tatanggapin niya ang magiging resulta ng botohan ā€” kung siya ang mananalo. Mayroong pangamba sa posibilidad na sakaling matalo siya ay hindi ito matatanggap ng kanyang mga tagasuporta o basta magsasalawang-kibo lang ang mga ito.

Ang Amerika ang pinakamahusay na halimbawa ng demokratikong gobyerno na may malayang halalan at nagbubunsod sa mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan ng gobyerno. Patuloy na kinikilala ng mundo ang Amerika dahil dito, at umaasa tayong ang eleksiyon sa susunod na linggo ay muling magiging isang mabuting halimbawa ng umiiral at buhay na buhay na demokrasya.