HINDI raw “tuta” si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Hindi rin siya papayag na maging “tuta” ng kahit alinmang bansa. Hindi rin kaya siya “magpapatuta” sa iniidolo niyang China? Hindi ba ninyo napapansin na tuwing lalabas siya ng bansa, inuupakan niya ang US, United Nations, at European Union?
Nang siya’y nasa China, hayagang ipinaalam sa tuwang-tuwang Chinese officials ang paghiwalay (separation) ng Pilipinas sa US at kagustuhang makaigpaw sa pagsandal dito sa loob ng maraming taon. Ang paghiwalay ng ‘Pinas sa US ay sa mga aspeto ng military at ekonomiya, ayon sa pangulo.
Gayunman, nang umani ito ng mga batikos sa Pilipinas at maging sa ibang mga bansa, agad-agad niyang nilinaw na hindi ito nangangahulugan ng ganap na pagputol sa relasyong diplomatiko ng ‘Pinas sa bansa ni Uncle Sam. Talagang nakalilito ang kanyang mga pahayag, ayon sa mga analyst, observer, pinuno ng gobyerno at maging ng taumbayan.
Dagdag pa ni Mano Digong sa harap ng natutuwang Chinese audience sa Beijing: “The three of us (China, Russia at Phl) against the world”. Saan kaya hahatakin ni RRD ang Pilipinas at sambayanang Pilipino sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan. Kung ayaw na niyang sumandal ang ‘Pinas sa US, sa China yata siya sasandal ngayon.
Samantala, isang Ilonggong mambabatas ang nanawagan na bilisan ang proseso laban sa mga pulis na sangkot sa illegal drugs. Umapela si Iloilo Rep. Ferjenel Biron sa DILG, PNP at NAPOLCOM na suportahan ang kampanya ni President Rody kontra sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Biron, chairman ng House committee on trade and industry, dapat magtulungan upang matukoy ang mga uniformed personnel na kasangkot sa operasyon ng drug syndicates. Sa budget hearing ng DILG sa Kamara, hiniling niya kay DILG Sec. Ismael Sueno na siyasatin ang mga reklamo at nakabimbing kaso laban sa isang Senior Supt. ng Philippine National Police (PNP) sa Region 6
Dapat aksyunan ng NAPOLCOM ang mga kasong grave misconduct bunsod umano ng pagtanggap ng “drug money” sa mga drug suspect at harassment case na inihain ng peryodistang si Randy Datu ng Pilipino Star Ngayon. Nabigla umano maging si RRD nang malaman niya na 6,000 tauhan ng PNP ang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa batay sa kanyang talaan.
Tandaan natin na mahigpit si Duterte sa illegal drugs na noong kampanya ay wawalisin niya sa loob ng tatlo-anim na buwan, at kung hindi mapapalis ay magbibitiw siya sa tungkulin at ibibigay ang poder sa bise presidente. Sinisira raw ng droga, lalo na ng shabu, ang utak ng mga tao na lumiliit sa patuloy na paggamit nito sa loob ng isang taon.
(Bert de Guzman)