Pinagdadampot ng mga pulis ang 12 menor de edad matapos masangkot sa isang riot sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Matapos makuha ang pagkakakilanlan, ngunit minabuting hindi na pangalanan para na rin sa kanilang proteksiyon, ay kaagad nang itinurn-over ng Manila Police District (MPD) sa Rescue Action Center ng Manila City Government ang mga ito.
Sa ulat ng MPD-Station 5, pasado 3:00 ng madaling araw nangyari ang riot sa harapan ng Metropolitan Theater sa Plaza Lawton, sa Ermita, Maynila.
Pauwi na umano ang mga naarestong kabataan galing sa isang lamay nang bigla na lang silang hinarang ng grupo ng “solvent boys” na mula sa Quiapo area.
Nagkaroon ng batuhan ng bote at kahoy na pamalo sa pagitan ng dalawang grupo, at isa sa mga kabataan ang namataan pang may hawak na baril.
Makalipas ang ilang minuto ay nagpulasan ang mga kabataan ngunit maya-maya’y muling sumiklab ang gulo sa paanan ng Quezon Bridge kung saan nagpatuloy ang riot.
Nang makitang may mga pulis na sa lugar ay kaagad nagtakbuhan ang mga solvent boys, habang inaresto naman ang 12 kabataan.
Ayon sa mga naaresto, hindi sila ang nagsimula ng gulo kundi ang kabilang grupo. (MARY ANN SANTIAGO)