Iniluklok muli bilang presidente ng Philippine Weightlifting Association (PWA) ang dating Bacolod City Mayor na si Monico Puentebella matapos biglaang magbitiw ang pangulo ng asosasyon na si Roger Dullano sa isinagawang emergency election Biyernes ng umaga sa PSC Lawn Tennis Center.
Tanging ang posisyon lamang ng pangulo na binakante ni Dullano ang pinagbotohan sa ipinatawag na eleksiyon kung saan dinaluhan ni Philippine Olympic Committee (POC) Secretary Steve Hontiveros, na nagsilbing observer.
Agad magsisimula sa kanyang responsibilidad si Puentebella, na dating umupo bilang POC Chairman, na magsisilbi sa natitirang termino ni Dullano na matatapos sa huling araw ng Hunyo 2017.
Mananatili naman sa kanilang posisyon bilang PWA Chairman si Mark Rommel Alino, Vice President Elbert Atilano; Secretary General Dioscoro Himotas; Treasurer Felix Tikinhoy; Auditor Paquito Kit Mortera at ang Board of Trustees na ri Rodrigo Roque na siya din Public Relations Officer.
“Walang nagko-complaint,” sabi lamang ni Hontiveros ukol sa hiniling isagawa na emergency election ng asosasyon sa weightlifting na tanging nakapagbigay ng medalyang pilak sa delegasyon ng Pilipinas sa paglahok nito sa 2016 Rio De Janeiro Olympics na makasaysayang itinala ni Hidilyn Diaz.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na ikukunsidera nila ang naganap na eleksiyon kung walang magrereklamo katulad na rin mismo sa naganap na eleksiyon sa Sepaktakraw kung saan nagwagi ang magpapamilya na Tanchangco bilang pangulo, vice-president at secretary.
“Tinanong namin kung may magrereklamo ba dahil ang nanalo sa pagkapresidente ay iyung anak, tapos papalit bilang vice-president iyung tatay saka secretary naman iyung nanay. Wala naman nagrereklamo so wala kaming dapat na resolbahan sa kanilang desisyon,” sabi ni Hontiveros.
Ang Sepaktakraw ay pinamumunuan ngayon ni Karen Tanchangco-Caballero habang ang bise-presidente ay ang ama nitong matagal naging presidente na si Mario Tanchangco habang ang sekretarya ay ang ina na si Airene. (Angie Oredo)