SA ikatlong pagkakataon, ang mapaghimalang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na mas kilala sa tawag na Black Nazarene ng Quiapo ay dumalaw sa Saint Clement parish sa Angono, Rizal. Ang unang pagdalaw ay noong 2012 at ang ikalawa ay noong Abril 2014. Dumating sa Angono ang imahen ng Black Nazarene noong umaga ng Oktubre 27. Hanggang OKUBRE 31 ang pagdalaw ng Black Nazarene.

Sinalubong ng mga debotong lalake at babae at ng mga parishioner ang imahen ng Black Nazarene sa harap ng munisipyo ng Angono. Mula roon, matapos ilagay sa andas ang imahen ng Black Nazarene ay nagkaroon ng prusisyon patungo sa simbahan ng Saint Clement parish. Tulad ng prusisyon ng Black Nazarene sa Quiapo tuwing Enero 9, naging tanawin na ang mga deboto ay naghahagis ng kanilang puting panyo sa mga ilang lalake na nasa andas. Ipinapahid sa krus at kamay ng Black Nazarene at muling inihahagis pabalik sa mga debotong may-ari ng panyo.

Nang sumapit ang prusisyon sa loob ng simbahan ng Saint Clement parish, nagdasal ng Rosaryo ang mga deboto at parishioner. Kasunod ang isang arrival concelebrated mass nina Father Roy Crucero, kura paroko ng Saint Clement parish; Father Ral Jaden Paguergan, parochial vicar; at Father Raul Avitria Napuno. Sa bahagi ng homiliya ni Father Crucero, nanawagan siya sa mga deboto ng Black Nazarene ng Quiapo na ipagpatuloy ang kanilang pagdarasal. Ipagdasal hindi lamang ang kanilang sarili, kundi ang ating mga kababayan lalo na ang kapayapaan sa ating bansa.

Matapos ang misa, susundan ito ng pahalik sa imahen ng Black Nazarene. Habang nagaganap ang pahalik ay inaawit ng choir at ng mga nagsimba ang Awit sa Black Nazarene ng Quiapo na kinatha ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. Ganito ang titik ng Awit sa Black Nazarene: “Nuestro Padre Jesus Nazareno, sinasamba ka namin, Pinipintuho ka namin, aral mo ang aming buhay at kaligtasan. Nuestro Padre Jesus Nazareno, iligtas mo kami sa kasalanan. Ang krus mong kinamatayan ay sagisag ng aming kaligtasan. Nuestro Padre Jesus Nazareno, dinarangal ka namin, Nuestro Padre Jesus Nazareno, niluluwalhati ka namin”.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa limang araw ng pagdalaw ng imahen ng Black Nazarene sa Angono, tampok ang pagdarasal ng rosaryo, misa sa umaga at hapon, at pahalik sa imahen. Sa umaga ng Oktubre 31, matapos ang farewell mass, ang imahen ng Black Nazarene ay ibabalik sa simbahan ng Quiapo. Sa mga deboto ng Black Nazarene ng Quiapo, ng mga parishioner at ng mga taga-Angono, ang ikatlong pagdalaw ng Black Nazarene ay tumibay lalo ang kanilang pananampalataya. Naniniwala naman ang iba na ang muling pagdalaw ng imahen ng Black Nazarene sa Angono ay isang biyaya.

Ang imahen ng Black Nazarene ng Quiapo, ayon sa kasaysayan, ay binili ng isang pari sa Mexico at dinala sa Pilipinas noong 1606. At mula noong 1787, inilagak ang imahen sa simbahan ng parokya ng San Juan Bautista sa Quiapo nang maitayo ang simbahan noong 1586 ng mga paring Franciscano. Noong una’y yari sa pawid at kawayan ang simbahan. Naging yari sa bato noong 1699. At nang masunog noong 1929, muling itinayo ang simbahan noong 1930. Mula noon, naging sentro na ng debosyon ang simbahan sa Quiapo dahil sa milagrosong Poong Nazareno. (Clemen Bautista)