Isang araw makaraang mapatay ang isang alkalde ng Maguindanao at siyam niyang tauhan, inaresto naman ng pulisya ang halal na mayor ng Libungan sa North Cotabato makaraan siyang makumpiskahan ng mga armas at daan-daang bala nang salakayin ang kanyang bahay sa Kabacan, kahapon ng madaling araw.

Bagamat ibinatay sa intelligence report tungkol sa ilegal na droga ang operasyon, walang drogang nasamsam mula sa bahay ni Christopher “Amping” Cuan.

“No one was injured in the raid, various firearms and ammunition for several types of firearms were confiscated,” ani Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12.

Hinihinalang sangkot si Cuan sa droga, at napaulat na kabilang ang kanyang pangalan sa listahan ng umano’y “narco-politicians” na isinapubliko ni Pangulong Duterte.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Sinabi ni Galgo na sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Cuan sa Barangay Cabaruyan makaraang maglabas ang lokal na korte ng 20 search warrant laban sa alkalde.

Nasamsam mula sa alkalde ang isang Bushmaster, isang M16 rifle, ilang maiikling baril at daan-daang bala ng iba’t ibang baril.

Ikinasa ang raid isang araw makaraang mapatay si Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Mayor Samsudin Otto Dimaukom at siyam niyang tauhan sa isang checkpoint sa Makilala, North Cotabato.

Napaulat na magde-deliver umano ng droga ang grupo ni Dimaukom kaya ikinasa ng pulisya ang checkpoint sa lugar, ngunit pinaputukan umano ng grupo ng alkalde ang mga pulis.

Nasa drug list din ni Pangulong Duterte, kinuwestiyon naman ng ilang taga-Datu Saudi Ampatuan ang pagkakapaslang kay Dimaukom, at sinabing hindi sila naniniwala na magbibiyahe ng shabu ang kanilang mayor.

Ayon sa mga residente, dumalo noon si Dimaukon, kasama ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan, sa isang mahalagang pulong kaugnay ng katungkulan nito.

Duda rin ang ilan sa napaulat na unang nagpaputok ng baril ang grupo ng alkalde, dahil sa dami ng kasama ng opisyal at imposibleng walang kahit isa sa mga pulis ang natamaan sa sagupaan, lalo at napakalapit lang ng distansiya ng magkabilang panig. (AARON RECUENCO at LEO DIAZ)