Bineberepika ngayon ng Pilipinas at United States (US) ang ulat na nilisan na ng Chinese coast guard ships ang pinagtatalunang Scarborough Shoal, kasunod ng pakikipag-ugnayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na magreresulta din sa pagbabalik ng mga Pinoy para mangisda sa nasabing lugar.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, iniulat na ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlong araw nang hindi nakikita sa Scarborough Shoal ang Chinese ships.

Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong iberepika ang nasabing ulat. Magsasagawa umano ng masusing surveillance sa northwestern ng Pilipinas ang Philippine Air Force (PAF).

Magugunita na kinontrol ng China ang Scarborough Shoal simula noong 2012 matapos ang tensyonadong pagtatagpo ng Chinese at Philippine vessels sa lugar. Simula noon ay itinataboy na ang mga mangingisdang Pinoy.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Sa reaksyon naman ni Deputy U.S. Secretary of State Antony Blinken kahapon, sinabi nito na kung resulta man ng bilateral talks ni Duterte at ng China ang pag-alis ng mga barko ng huli sa Scarborough Shoal, positibong kaganapan ito at ikagagalak ng Washington.

Sinabi ni Blinken na ang hakbang ay naaayon sa international arbitration noong July na nag-aalis ng karapatan ng China sa nasabing lugar.

Sa panig naman ni State Department spokesman Mark Toner, ina-assess pa ng US ang katotohanan sa paglisan ng Chinese ships.

“We hope it is certainly not a temporary measure. We would like it to be a sign that China and the Philippines are moving toward an agreement on fishing access at Scarborough that would be in accordance with the July 12 arbitral decision,” ayon kay Toner.

Ikinatuwa naman ni Lorenzana ang report, kahit bina-validate pa ito, dahil makakabalik na ang mga Pinoy na mangingisda na ilang taon ring naipagkait sa kanila. (AP)