NAKAKALAP ang Abu Sayyaf ng P353 milyon sa nakolekta nitong ransom sa mga isinagawang pagdukot ng grupo sa unang anim na buwan ng taong ito at nagawang bumihag ng mga dayuhang tripulante ng bangka matapos na malimitahan ng opensiba ng militar ang pagkilos ng mga bandido.

Ito ang nakasaad sa isang confidential na ulat ng gobyerno.

Batay sa pinag-isang threat assessment report ng militar at pulisya na nakuha ng The Associated Press nitong Huwebes, totoong nabawasan ang mga mandirigma ng Abu Sayyaf dahil sa pag-atake ng militar, bagamat nananatiling buo ang kakayahan nitong maglunsad ng mga pag-atakeng terorista.

Dahil sa opensiba ng gobyerno, nasa 481 na lang ang mga kasapi ng Abu Sayyaf sa unang kalahati ng taong ito, kumpara sa 506 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon ngunit nakapagsagawa pa rin ito ng 32 pambobomba sa nasabing panahon — tumaas ng 68 porsiyento — upang mabaling ang atensiyon ng militar sa pagtugis sa mga bandido, ayon sa ulat.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mayroon silang 438 armas at nakapagsagawa ng ilang pagsasanay na terorismo sa kabila ng tuluy-tuloy na pag-atake ng militar.

Naupo sa puwesto noong Hulyo, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na durugin ang Abu Sayyaf, na kilala sa brutal nitong pagpatay at sa pagkakaroon ng ugnayan sa ilang dayuhang terorista, at binigyang-diin na hindi kailanman maglulunsad ng usapang pangkapayapaan sa grupo. Gayunman, pursigido ang kanyang gobyerno sa negosasyong pangkapayapaan sa dalawang mas malalaking Muslim na grupong rebelde.

Ang pakikipagnegosasyon ni Duterte sa rebeldeng grupo ng komunista ay nagbunsod sa deklarasyon ng tigil-putukan na nagpatigil sa ilang dekada nang paglalaban ng dalawang panig, kaya naman lubos na natutukan ng militar ang opensiba sa Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan.

“The ASG shifted in targeting vulnerable foreign-flagged tugboats and their crew due to the focused military operations against the group,” saad sa report, idinagdag na inaasahang paiigtingin pa ng grupo ang ginagawa nitong kidnap-for-ransom sa abalang karagatan na nakapaligid sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia.

Dahil sa “lucrative payoffs from KFR”, ayon sa report, nagawa ng Abu Sayyaf na makabili ng mga baril at mga bala.

Sa P353 milyon ransom na tinanggap ng Abu Sayyaf sa anim na pagdukot ng grupo sa 21 katao noong Enero hanggang Hunyo, ang malaking bahagi ay kapalit ng pagpapalaya sa 14 na tripulanteng Indonesian at apat na 4 tripulanteng Malaysian.

Nakakolekta rin, ayon pa sa report, ang Abu Sayyaf ng P20 milyon sa pagpapalaya kay Marites Flor, ang Pinay na kasama sa dalawang Canadian at isang Norwegian na dinukot ng grupo noong Setyembre 21, 2015 sa isang resort sa Davao del Norte.

Patuloy na iginigiit ng mga opisyal ng gobyerno na wala silang alam na nagkabayaran sa pagpapalaya sa mga bihag, bagamat naninindigan sila sa no-ransom policy ng pamahalaan. (Associated Press)