MAUUNAWAAN natin ang pagbatikos ng ilan na marami sa mga pangunahing problema sa bansa ang nananatiling hindi natutugunan dahil labis na tinututukan ng bagong administrasyon ang problema sa droga. Ngunit dapat din nating tanggapin ang katotohanan na tunay na napakalaking suliranin ng ilegal na droga at patuloy na bumubulaga sa atin ang mga nakagugulat na detalye.
Sa unang bahagi ng linggong ito, sinabi ni Pangulong Duterte na ang problema sa droga ay umabot na sa puntong hindi niya kakayaning resolbahing mag-isa. Pumalo na sa mahigit 3,700 ang napapatay sa operasyon kontra droga at patuloy itong nadadagdagan. Daan-daang libong tulak at lulong sa droga ang naaresto at mayroon ding mga sumuko. Walang lugar para sa kanila sa mga nagsisisikan na nating bilangguan at hindi rin sapat ang ating mga rehabilitation center.
Babalik lamang sila sa kanilang pagkalulong sa droga sakaling tangkain nilang hintuan ito.
Naniniwala ang Pangulo na mayroong 3.7 milyong adik sa bansa ngayon at patuloy silang dumadami. Maaari itong umabot sa apat na milyon sa pagtatapos ng taong ito. Sinabi rin niyang mayroong 10,000 drug network sa buong bansa.
Ang higit na nakapanlulumo para sa Presidente ay ang pagkakadiskubre na maraming tauhan ng Philippine National Police, ang pangunahing puwersa sa pagpapatupad ng kampanya laban sa droga, ang lulong mismo sa ipinagbabawal na gamot. Iniulat ng PNP na sa 159,000 pulis na sumailalim sa random testing, nasa 200 ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
At nariyan din ang bagong listahan ng 160 dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno na sangkot sa bentahan ng droga. Mayroong libu-libong barangay chairman at pulis sa tala. Isa sa mga dahilan sa pagkansela sa barangay elections na itinakda ng Oktubre 31 ay upang maiwasang mahalal muli ang mga barangay chairman na pinopondohan ng mga sindikato ng droga.
Sinabi ng Pangulo na kailangan niyang ikonsulta sa Kongreso ang mga hakbanging kinakailangang ipatupad ngayong nalantad na kung gaano kalawak at katindi ang problema. Ang prosekusyon at ang karaniwan nang prosesong panghudikatura ay isang “impossible dream”, aniya. Bukod dito, marami rin sa mga nasa listahan ay mga hukom, dagdag niya.
Panahon na marahil na magtatag ng isang espesyal na sangay ng gobyerno na eksklusibong tututok sa problema sa droga at sa lahat ng implikasyon nito, mula sa pagpapatupad ng pulisya ng batas, hanggang sa prosekusyon at paglilitis, sa kalusugan at rehabilitasyon, hanggang sa edukasyon at pakikipag-ugnayan sa mga organisasyong panlipunan, pang-ekonomiya, pangkultura at pangrelihiyon. Inilunsad ni Pangulong Duterte ang kampanya kontra droga ngunit mayroong iba pang mga problema na kailangan niyang tugunan bilang pinuno ng bansa.