MAAARING makasarili ang aking pananaw hinggil sa mga natutuklasang shabu laboratory sapagkat hindi ako makapaniwala na ang paggawa ng naturang bawal na droga ay hindi alam ng mga awtoridad, lalo na ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP). Ang isang laboratoryo na nadiskubre kamakailan sa Cauayan City, Isabela, halimbawa, ay matatagpuan sa gilid ng highway na malapit sa airport na maliwanag na daanan ng mga sasakyan at mga tao. Hindi ba isang malaking kababalaghan kung iyon ay lingid sa pang-amoy at paningin ng mga alagad ng batas?

Hindi maiiwasang sumulpot ang gayong mga pagdududa, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang naturang shabu lab ay maaaring makagawa ng minimum na 200 kilo at maximum na 400 kilo per cycle ng shabu sa loob lamang ng isang linggo.

Isipin na lamang kung ilang libong kaluluwa ang susunugin nito.

Ganito rin ang nakapagdududang impresyon ng taumbayan sa pagkakadiskubre ng isang higanteng shabu lab sa isang barangay sa Arayat, Pampanga. Kahit na ito ay sinasabing ikinubli bilang isang piggery, maliwanag na tila nagtanga-tangahan ang mga kinauukulan upang iyon ay makaligtas sa kanilang kaalaman. Tulad ng nadiskubre sa Isabela, ang shabu lab sa Pampanga ay sinasabing pinamamahalaan din ng mga dayuhan na maaaring may kakutsabang Pinoy.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa pagkakatuklas sa mga higanteng shabu lab, tiyak na marami pang gayong pabrika ang lihim na pinakikilos ng mga drug lord at kapitalista. Ito ang dahilan marahil kung bakit tila hindi nababawasan ang supply ng droga na ibinebenta ng mga pusher at user, sa kabila ng malaking bilang ng mga napapatay na sugapa sa bawal na droga.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit tila nangangamba si Pangulong Duterte na maapektuhan ang maigting na pakikidigma ng administrasyon sa bawal na droga. Tila ibig na niyang manlamig, lalo na nang sabihin niya na hindi niya kayang mag-isa ang paglipol sa kasumpa-sumpang bisyo. Tahasan niyang hiningi ang suporta ng mga mambabatas na siya ay saklolohan sa paglipol ng illegal drugs.

Hindi ba ito isang insulto sa mga local officials, lalo na sa PNP na dapat ay manguna sa pag-aagapay sa Pangulo?

Patunayan nila na hindi sila pabigat at hindi nagbubulag-bulagan sa pagtuklas ng naglipanang mga shabu laboratory.