Humulagpos ang posibleng maiuwing tansong medalya sa isa sa dalawang batang weightlifter na inaasam susunod sa yapak ni 2016 Rio De Janiero Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz sa pagsabak sa 2016 IWF Youth World Championships na isinasagawa noong Oktubre 19-25 sa Penang, Malaysia.
“It could have been a gold medal had she able to clear her final lift. Nalampasan din tayo sa silver kaya pumang-apat na lang tayo,” sabi ni Philippine Weightlifting Association (PWA) vice-president Elbert “Bong” Atilano patungkol kay 16-anyos na si Ma. Dessa A. Delos Santos na sumabak sa girls 53 kg category.
“We need a sports psychologist to strengthen that kid mentally because she is a potential and we need to prepare her at this age for this kind of high caliber tournament,” sabi ni Atilano.
Tumapos na ikaapat mula sa 20 kasali si Delos Santos na nakabuhat ng 75kg sa snatch at 95 sa clean and jerk para sa kabuuang 170kg. Napunta ang ginto kay Mengqian Yu ng China (77–105=182), pilak kay Yenny Sinisterra Torres ng Columbia (78 -101=179) at Surodchana Khambao ng Thailand (78-100=178).
Ang isa pang nagrepresenta sa bansa na 14-anyos na si John Paolo Rivera Jr. na sumabak sa boys 50 kg category ay tumapos naman na ika-11 mula sa 18 kasali matapos na bumuhat ng 78 sa snatch at 101 sa Clean and Jerk para sa total na 179kg.
“We’re both preparing them for the coming Asian Youth Games and then to the Youth Olympic Games,” sabi ni Atilano, na isa din konsehal sa Zamboanga City.
Matapos sumabak sa torneo ay sunod na magtutungo ang pambansang delegasyon para lumahok sa 18th Asian Youth, 23rd Asian Junior Women’s at 30th Asian Junior Men’s Weightlifting Championships sa Tokyo, Japan na magsisimula sa Nobyembre 11 hanggang 16.
Ang pinagsama-samang tatlong torneo ay isa naman sa mga itinakda na mga qualifying legs para sa mga bansa na nagnanais na makalahok sa susunod na Asian Youth Games at pati na rin sa Youth Olympic Games na gaganapin naman sa Buenos Aires, Argentina sa 2018.
Dapat sanang isagawa ang 3rd Asian Youth Games sa 2017 subalit nagdesisyon ang Olympic Council of Asia na ipostpone ang torneo hanggang 2021 na gagawin pa rin sa Surabaya, Indonesia.
Ang Buenos Aires 2018 Summer Youth Olympic Games ang ikatlong edisyon naman ng Summer Youth Olympics, na pinakamalaking international na torneo sunod sa Summer Olympic Games, na nakatakdang ganapin simula Oktubre 1 hanggang 12, 2018 sa Argentina.
Inaasahang magpapadala ng kanilang lahok ang mahigit sa 150 miyembrong bansa ng International Weightlifting Federation (IWF). (Angie Oredo)