MARAMING hinirang si Pangulong Digong na pinalampas ng Commission on Appointment (CA). Ang ilang sa mga ito na hindi inaprubahan ng CA ay sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez at Department and Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael Mariano. Hindi ko alam kung nasama sa ang mga ito sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Judy Taguiwalo at National Anti-Poverty Commission Chairperson Liza Masa.

Malaki ang kinalaman ng CA kung bakit hanggang ngayon ay nakabitin pa ang desisyon ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa isyu ng pagpapatigil sa contractualization sa kabila na ipinangako ito ng Pangulo na agad niyang puputulin pag-upung-pag-upo niya. Iniiwasan ni Sec. Silvestre Bello na lagpasan din ng CA ang kanyang appointment at kung hindi pa ito nagdaan sa CA.

Napakahalaga ng mga taong ito na nasa gabinete ng Pangulo dahil sila ang makakatuwang niya para lubusan niyang matulungan ang mga dukha na mapaganda ang kanilang buhay. Huwag siyang magtiwala sa mga survey na nabawasan ang mga mahirap. Kung totoo ito, pansamantala lamang dahil sa salaping pinamudmod ng gobyerno na natatanggap ng mga karapat-dapat sa tulong ni Taguiwalo. Kakaunti lamang ang nakikinabang sa iniuunlad ng bansa.

Ang mga taong ayaw tanggapin ng CA ay mga nakadikit sa masa na kung tawagin ni VP Robredo ay nasa “laylayan” ng lipunan. Alam nila ang problema ng mga ito dahil ang malaking bahagi ng kanilang buhay ay inilaan sa kanila. Si Mariano ang nagsasabi na ang lupa natin ay sapat-sapat na magbibigay ng bigas at iba pang produktong agrikultura kung nagagamit sa wastong layunin at pamamaraan. Kaya nga niya sinuspinde ang land conversion dahil iyong talagang karapat-dapat na taniman ng palay at iba pa ay ginagawang subdivision, golf course, at minahan. Ayaw ito ng mga kapwa niya nasa gabinete na kasabwat ang mga negosyante dahil yumayaman sila sa pag-aangkat ng bigas sa mga ibang bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang naganap sa CA na hindi nito pinalulusot ang talagang makakatulong ni Pangulong Digong sa pagnanais niyang iangat ang buhay ng mga dukha ay “wake up call” sa kanya. Hindi dapat siyang masilaw sa mataas na approval rating na tinatanggap niya sa mamamayan. Hindi kasama rito ang mga mambabatas na biglang nagpalobo sa kanyang sisinghap na partidong PDP-Laban nang siya ay tumakbo. May kanya-kanya silang interes na itinataguyod na malinaw na nilang ipinakita sa ginawa nila sa kanyang mga hinirang.

Dapat mag-ingat din siya dahil sa kanyang pag-aastang matapang ay maging ampaw lang siya. Hindi kasi naipaabot sa nakararami, lalo na sa mga dukha, ang biyaya ng bansa na magagawa lang niya ito sa pamamagitan ng mga taong ang puso nila ay para sa kanila. Kapag humiwalay na ang mga ito sa kanya, mawawalan siya ng solidong suporta ng hindi kayang ibigay ng mga pulitiko. Malamang na mangyari ito dahil pinapatay nga niya ang mga kagaya nila. (Ric Valmonte)