SA mga Kristiyanong Pilipino, ang unang araw ng Nobyembre na pagdiriwang ng Simbahan ng Todos los Santos o All Saints’ Day ay iniukol naman sa paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay, kaibigan at kamag-anak. Ang paggunita ay tinatawag na Undas o Araw ng mga Patay. Isang tradisyong nakaugat na sa kultura ng mga Pilipino.
Hindi nalilimot na bigyang-halaga; ang mga nagtatrabaho sa Metro Manila ay lumuluwas sa kani-kanilang probinsya upang makiisa sa paggunita. Sa pamamagitan ito ng pagtungo sa mga sementeryo upang mag-alay ng mga bulaklak, magtirik ng mga kandila sa puntod ng kanilang mahal sa buhay at pag-ukulan ng panalangin.
Sa paggunita ng Undas, sinimulan kahapon (Oktubre 28), inihanda ng DPWH Rizal Engineering District 1 at Rizal Engineering District II, ang motorist assistance o Lakbay-Alalay sa Undas 2016. Layunin nito na tulungan ang mga magsisiuwi nating kababayan sa kanilang lalawigan at bayan.
Ayon kay District Engineer Roger Crespo, ng Rizal Engineering District 1, nagtalaga na siya ng mga tauhan sa mga pangunahing lansangan sa lalawigan ng unang distrito ng Rizal upang tumulong sa pag-alalay sa mga motorista.
Ang main station ng Rizal Engineering District 1 ay nasa km. 34+500 sa Binangonan diversion road. May 3 dump truck, 3 service vehicle na nakaantabay. Ang duty ng isang team ng mga tauhan ay 12 oras, gayundin ang ikalawang team. Mag-iikot oras-oras upang malaman ang kalagayan ng mga kalsada.
Ang Lakbay-Alalay sa Rizal sa paggunita ng Undas ay magtatapos sa tanghali ng Nobyembre 2. Ang mga bayan na saklaw ng Rizal Engineering District 1 ay Antipolo City, Cainta, Taytay, Angono, at Binangonan.
Ayon naman kay District Engineer Boying Rosete, ng Rizal Engineering District ll, ang main station ng kanilang Lakbay-Alalay ay sa Sitio Sakbat, Morong, Rizal.
May tatlong shift ang pagdu-duty ng mga tauhan. Ang unang duty ay mula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon; ang ikalawang shift ay mula 2:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi; ang ikatlong shift ay mula 10:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga. May mga sasakyang nakaantabay na tutulong sa mga kababayan natin sa paglalakbay. Saklaw ng Rizal Engineering District II ang bayan ng Teresa, Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pililla, at Jalajala.
Ang Lakbay-Alalay sa lalawigan ng Rizal na inilunsad ng Rizal Engineering District I at District II ay alinsunod sa utos ni Regional Director Samson Hebra, ng DPWH Region IV-A Calabarzon.