Muling inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga panuntunan sa trapiko na ipatutupad ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT) sa susunod na linggo upang mabawasan ang inaasahang matinding trapik sa Christmas season.
Kabilang sa traffic regulations ang suspensiyon ng paghuhukay sa lahat ng pangunahing lansangan at kalsada sa mga lungsod, simula sa hatinggabi ng Nobyembre 1 hanggang hatinggabi ng Enero 9,2017; pagbabawal sa weekday mall sales, umpisa ng Nobyembre 1 hanggang Enero 9 ng susunod na taon, at pagbubukas ng shopping malls sa 11:00 ng umaga at magsasara ng 11:00 ng gabi sa nasabing petsa; ang mall deliveries ay simula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw lamang sa nasabing petsa, maliban sa deliveries ng perishable goods tulad ng pagkain at ice cream; at pagpapairal sa expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme at “No Window Hours” simula Nobyembre 2.
Nakipag-partner din ang MMDA sa Waze sa pamamagitan ng Connected Citizens Program, isang two-way data exchange program sa mga pamahalaan sa daigdig.
Ayon kay MMDA Officer-in-Charge Tim Orbos, magbabahagi ang MMDA sa Waze ng data sa mga lugar na matindi ang trapik, mayroong aksidente sa lansangan, baha at saradong kalsada, upang ibigay ang pinakamainam na posibleng ruta sa mga motorista. (Bella Gamotea)