ILOILO CITY – Sinibak sa puwesto ang apat na award-winning na pulis mula sa Iloilo at sa Police Regional Office (PRO)-6.
Ayon kay Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO-6, ang pagsibak sa apat na mahuhusay na pulis ay nanggaling sa Philippine National Police (PNP) national headquarters sa Camp Crame at kabilang sa mga natanggal sa puwesto ang ilang anti-narcotics police.
Sinibak sa puwesto sina Supt. Richard Adonis Habawel, ng Iloilo Provincial Public Safety Company; Chief Insp. Lorenz Losaria, ng Regional Personnel Holding and Accounting Office ng PRO-6; Senior Insp. Ariel Corcino, ng Pototan Police; at Senior Insp. John Ryan Doceo, ng Iloilo Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group.
Sinabi ni Gorero na sinibak sa puwesto ang apat na pulis nitong Oktubre 21 at inatasang mag-report sa Camp Crame sa Quezon City sa Oktubre 31.
Hindi binanggit ni Gorero ang dahilan sa pagsibak sa mga pulis, ngunit una nang pinarangalan ang mga ito dahil sa matagumpay na kampanya laban sa droga, bago pa man nagsimula ang administrasyong Duterte. (Tara Yap)