TATLONG taon matapos manalasa ang bagyong ‘Yolanda’ sa Eastern Visayas, na ikinasawi ng 6,300 katao at nasa mahigit 1,000 ang nawawala, bukod sa mahigit 28,000 ang nasugatan, nababanggit pa rin ito sa mga balita hanggang ngayon—hindi lamang dahil sa matinding pinsalang idinulot nito kundi maging sa kabiguan ng ilang opisyal na tugunan ito na patuloy na iniimbestigahan hanggang ngayon.
Sinabi nitong Lunes ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo na nasa 200,000 biktima ng bagyong Yolanda ang hindi nakinabang sa programang Emergency Shelter Assistance (ESA) ng gobyerno nang mga panahong iyon dahil sa pulitika. Ang 200,000 binagyong ito, aniya, ay nawalan ng tirahan dahil sa storm surge na biglaang lumamon sa kalupaan bago nagbalik sa dagat. Nagpalabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng memorandum na nagdedeklara na ang mga pamilyang kumikita ng mahigit P15,000 kada buwan, nakatira sa mga lugar na tinukoy na mapanganib, o tumanggap na ng tulong mula sa pribadong sektor, ay hindi karapat-dapat sa tulong pinansiyal mula sa DSWD.
Ipinamahagi ang ayuda sa pamamagitan ng mga lokal na opisyal at maraming biktima ang nagreklamo na hindi sila nakasama sa mga naayudahan dahil hindi sila bahagi ng mga grupong pulitikal ng kani-kanilang lokal na opisyal.
Sa kaparehong araw na iniulat ni Secretary Taguiwalo ang 200,000 nagrereklamo laban sa mga dating opisyal ng DSWD, iginiit ni Sen. Ralph Recto na ang pagkukumpuni at pagtatayong muli ng mga ari-arian at istrukturang winasak ng Yolanda ay naging napakabagal sa nakalipas na mga taon, at sa halos P44 bilyon ipinalabas ng gobyerno, nasa P6.9 bilyon lamang ang nagastos batay sa datos hanggang noong Agosto ng kasalukuyang taon.
Nakiisa ang National Secretariat for Social Action, Justice, and Peace ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga talakayan sa pamamagitan ng pananawagan para sa pagbusisi sa lahat ng pondong natanggap ng gobyerno mula sa mga donasyong bumuhos mula sa iba’t ibang dako ng bansa at iba’t ibang panig ng mundo. Sinabi ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng social action arm ng CBCP, na naniniwala siyang hindi nagamit nang wasto ang pondo para sa Yolanda at hindi ginalaw sa pagkakadeposito sa ilang bangkong pinaglagakan dito.
Ang Yolanda ang pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasaysayan ng mundo. Napakarami nitong kinuhang buhay at winasak na ari-arian dahil sa idinulot nitong storm surge na hindi napaghandaan ng mga tao. Ang kabuuang pinsala ay naitala sa halos P100 bilyon at lumipas pa ang isang taon bago lumikha ang gobyerno ng isang komprehensibong plano sa rehabilitasyon.
Gayunman, mistulang hindi naisakatuparan ang ambisyosong programa sa rehabilitasyon at rekonstruksiyon. Nasa 10 porsiyento lamang ng tinatayang 210,000 bahay ang naipatayong muli. Daan-daang libong tao ang hindi pa rin nakababalikwas mula sa trahedya. Simula ngayon hanggang sa ikatlong anibersaryo ng Yolanda sa Nobyembre 8, ipagpapasalamat ng bansa ang isang komprehensibong ulat tungkol sa mga naipatupad na, kumpleto sa detalyadong audit report ng lahat ng natanggap na donasyon, at ang katiyakang higit na kikilos ang bagong administrasyon upang matulungan ang libu-libong sinalanta ng Yolanda na nananatiling nagdurusa hanggang ngayon.