Ilang kilalang sports lider ang nagpahayag nang pagkadismaya at nakiisa sa patuloy na humahabang listahan ng mga umaalma para sa pagpapalawig ng termino ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Ikinaalarma nina Cebu Schools Athletic Foundation Inc. (Cesafi) Commissioner Felix Tiukinhoy, Jr. at Batang Gilas team manager Andrew The ang tila kapit-tuko sa posisyon ng dating Tarlac Congressman.
“He (Cojuangco) should be embarrassed to run for another term as POC president. It’s time to give other a chance.
Mahaba na ang 12 years na pamumuno niya sa POC,” pahayag ni Tiukinhoy, Region 7 director ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) at board member ng Philippine Weightlifting Association (PWA).
“We need a new leader. Our sports has suffered enough even at the lowest tournament na Southeast Asian Games.
Hahayaan pa ba natin ganyan sa susunod na apat na taon. Dapat maiba naman,” sambit naman ni The.
Nagpahayag din ng kanilang pagkadismaya sa inilabas na manifesto ang Philippine University Games (UniGames) na binubuo ng mahigit sa 40 miyembrong unibersidad para manawagan sa pagkakaroon ng patas na eleksiyon sa Olympic body.
Lumakas ang hanay nang mga sports leader na tumuligsa kay Cojuangco matapos idiskuwalipika ng POC Comelec – binubuo ng mga handpicked official ni Cojuamgco – ang kandidatura ni boxing chief Ricky Vargas bunsod umano ng provision na nagbabawal sa opisyal na hindi aktibong dumadalo sa general assembly meeting ng POC.
Iginiit naman ng kampo ni Vargas na isa sa aktibo at matagumpay na sports ang boxing kung kaya’t hindi katangap-tangap ang rules na nais ng POC Comelec na pinamumunuan ni dating IOC Representative to the Philippines Frank Elizalde.
Kasama ni Vargas na diskuwalipikado si Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) president at Cavite 7th Dist. Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino na tatakbong chairman kontra Tom Carrasco.
Kabilang sin sa Comelec sina Abono Representative Conrado Estrella III at De La Salle Santiago Zobel School president Bro. Bernard ‘Bernie’ Oca. (Angie Oredo)