HUMIHINGI na ng tulong si Pangulong Digong sa Kongreso para lutasin ang problema sa drug addiction. Hindi ba’t sinarili niya ang paraan para ito’y maremedyuhan? Tinakot niya ang mga sangkot sa ilegal na droga na kanyang papatayin. Ikinagalit pa nga niya ang bumatikos sa kanya sa ginawa niyang ito dahil wala umanong batas na nagbawal at nagpaparusa sa mga nananakot ng mga kriminal. At hindi lamang niya tinakot ang mga gumagamit at tulak ng ilegal na droga, kundi pinapatay pa sila. Ang utos niya kasi ay kapag inaaresto ang mga ito at nanlaban ay huwag paagrabyado ang mga pulis. Huwag daw silang matakot na patayin nila ang mga ito dahil aakuin niya ang responsibilidad.
Kaya nga, araw-araw ay may pinapatay ang mga pulis dahil nga nanlaban daw ang mga ito. Nadagdag pa rito ang mga pinatay at pinapatay ng mga hindi pa makilalang suspek dahil nakatakip ang kanilang mga mukha. Magpaparami rin iyong mga nakikita na lang na bangkay sa mga kalye at mga ilang na pook na nakasako at binalot ng packaging tape ang mukha.
Kung ano ang dahilan bakit nila inabot ang ganitong sitwasyon, ang pumaslang sa kanila ang tanging nakakaalam.
Pero, sa kabila ng mga marahas at karumaldumal na walang tigil na pagpatay sa mga umano’y sangkot sa ilegal na droga, mayroon pa ring hindi natatakot na mangyayari ito sa kanila. Paano, mayroon pa ring mga nabibistong laboratoryo na gumagawa ng ipinagbabawal na gamot. Milyun-milyong halaga ng shabu at cocaine ang nasasabat at nakukumpiska ng mga awtoridad. Mapalad ang mga nahuhuli sa mga insidenteng ito dahil, hindi tulad ng mga yagit na nakatira sa barung-barong, hindi sila pinapatay. Inihaharap sila sa batas para makapagpaliwanag at managot.
May mga nakagalit na si Pangulong Digong dahil pinakikialaman daw siya sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Panlalait at maaanghang na salita ang lumalabas sa kanyang biibg sa tuwing may pagkakataon siyang makapagsalita sa publiko. Hindi niya naiwasang banatan ang Amerika, si Pangulong Obama, United Nations, European Union at maging si Sen. ... Leila de Lima. Inanunsiyo niya noong siya ay nasa China na kumakalas na siya sa Estados Unidos sa galit niya raw dito, ayon sa kanyang mga tagapagsalita. Determinado kasi siyang wakasan ang krimen at ilegal na droga na ipinangako niya sa mamamayan. Ibang usapan kung matutupad niya ito dahil ang pagpatay sa mga gumagamit at tulak ng ilegal na droga ay lunas lamang sa sintomas ng tunay na sakit ng lipunan. Mga lamok ang pinapatay hindi ang kanilang pinamumugaran. (Ric Valmonte)