Sa kagustuhang mapaganda ang puntod ng ama ngayong darating na Undas, arestado ang isang lalaki dahil sa pagnanakaw ng mga tiles sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Dinala sa barangay hall ng Barangay 28, Caloocan City si Christofe Alfaro, 32, alyas “Teban”, ng Block 20, Lot 4, Landaska ng nasabing lungsod, para magpaliwanag.
Sa reklamo ni Marlyn Gobres, kalugar ng suspek, dakong 8:30 ng umaga, ninakaw umano ni Alfaro ang ilang pirasong tiles sa kanilang bahay.
Kinompronta umano niya ang suspek sa ginawa nito, pero nagalit pa raw ang huli at minura siya dahilan upang tumawag siya ng mga barangay tanod at ipinaaresto.
Pinabulaanan naman ni Alfaro ang akusasyon ni Gobres at hiningi umano niya ang mga tiles sa anak ng huli.
Ayon pa kay Alfaro, gusto niyang pagandahin at ipa-tiles ang lapida ng ama para sa paggunita ng Araw ng mga Patay.
(Orly L. Barcala)