Ipinahayag ng UAAP ang kanselasyon sa laro sa seniors basketball sa pagitan ng University of the East at Far Eastern University, gayundin ang duwelo ng Adamson at Ateneo bukas sa Smart-Araneta Coliseum.
Ayon sa pahayag ng UAAP Management Commiteee nitong Miyerkules, ang double-header na orihinal na nakatakda noong Oktubre 16, ngunit nakansela dahil sa bagyong ‘Karen’, ay muling isinantabi dahil sa problema sa iskedyul ng Warriors.
Wala pang opisyal na petsa para isagawa ang naturang laro.
Bunsod nito, humaba sa 10 araw ang pahinga ng premyadong collegiate league dahil magbabalik ang regular game sa Nobyembre 5 sa Araneta Coliseum tampok ang laro sa pagitan ng La Salle at Ateneo.
Samantala, matutuloy naman ang nakatakdang laro sa women’s basketball bukas sa pagitan ng Ateneo at University of Santo Tomas, gayundin ang duwelo ng National University at La Salle.