TOKYO — Hindi matitibag ang espesyal na pagkakaibigan ng Japan at Pilipinas. Ito ang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng kanyang tatlong araw na official visit dito kahapon.

Pinuri ng Pangulo ang pinalakas na alyansa ng dalawang Asian brothers matapos ang pagpupulong nila ni Prime Minister Shinzo Abe. Tinawag niya ang Japan na “special friend closer to a brother.”

“This is a relationship that stands on unshakeable, firm ground by all counts… our ties are just excellent,” sabi ng Pangulo sa hapunan na inihanda ng Prime Minister sa tahanan nito sa Tokyo.

Bago magbigay ng toast, pabirong ipinanukala ni Duterte ang bagong kasunduan sa Japan para palawigin pa ang malakas na bilateral relations ng Manila at Tokyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“I would like to ask from Your Excellency, Prime Minister, that you and I sign an agreement tonight extending the 60 years of friendship of our diplomatic relations anniversary and may I suggest 1,000 years,” sabi ng Pangulo.

Sa kanyang talumpati, pinuri rin ni Prime Minister Abe ang “brotherly” at “indispensable” na relasyon ng Japan at Pilipinas at sinabing umaasa siya na patuloy itong gaganda.

Inimbitahan din ni Abe si Duterte na bumalik sa Japan para ma-enjoy nito ang mga paborito Japanese cuisine. Ang dating Davao City mayor ay mahilig sa Washoku.

“Mr. President, I recount that you have a passion for Washoku Japanese cuisine and that is exactly why I took the initiative to prepare the Washoku for you tonight. If you like it, please do come back to Japan as you wish to enjoy another batch of Washoku,” ani Abe.

ROYAL FAMILY

Samantala, hindi natuloy ang pagkikita nina Pangulong Rodrigo Duterte at Emperor Akihito ng Japan sa Imperial Palace nitong Huwebes dahil sa pagkamatay ng isang miyembro ng royal family.

Nagpaabot ng pakikiramay ang Pangulo sa royal family at inihayag ang desisyon na huwag nang ituloy ang nakaplanong state call sa Emperor kasunod ng pagpanaw ni Prince Mikasa sa isang ospital sa Tokyo kahapon. Ang 100 anyos na prinsipe ay tiyuhin ni Emperor Akihito at bunsong kapatid ng ama nitong si dating emperor Hirohito.

Nakatakda sanang bumisita ang Pangulo sa Japanese Emperor dakong 5:00 ng hapon nitong Huwebes bago lumipad pabalik ng Pilipinas.

INVESTMENTS

Pasalubong ng Pangulo sa kanyang pagbabalik sa bansa ang tinatayang $1.8 billion halaga ng Japanese investments na bunga ng kanyang “very productive” na pagbisita sa Tokyo.

Ang mga pamumuhunan sa renewable energy, manufacturing, agriculture ay inaasahang magbibigay ng 250,000 trabaho sa mga Pilipino, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.

LOAN PACKAGES

Nagkaloob ang gobyerno ng Japan ng dalawang loan packages na nagkakahalaga ng 21.383 billion yen upang agapayan ang Pilipinas sa pagpapalakas sa maritime security at safety gayundin sa agriculture development.

Ang yen loan deals mula sa Japan International Cooperation Agency ay kinabibilangan ng 16.455-billion loan para sa pagbili ng dalawang malalaking patrol ships ng Philippine Coast Guard at 4.928 billion loan bilang ayuda sa agribusiness activities sa Mindanao. (GENALYN D. KABILING)