nu-copy

Nanatili ang tradisyon ng season host University of Santo Tomas sa UAAP taekwondo tournament nang makumpleto ang three-peat sa men’s division ng Season 79 taekwondo nitong Martes sa Blue Eagle Gym.

Nanggulat naman ang National University sa naitalang six-game sweep sa elimination para makopo ang titulo sa women’ division.

Tinalo ng Growling Tigers ang University of the East Red Warriors, 4-3, at University of the Philippines, 6-1, sa huling araw ng kompetisyon para tapusin ang season sa markang 5-1.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nagtala rin ang Bulldogs ng parehong 5-1 karta matapos manalo sa De La Salle (4-3) at Ateneo (7-0), ngunit mas mataas ang quotient ng UST.

Ang panalo ang ika-14 na pangkalahatang titulo ng Tigers’ sa pamumuno ni middle-heavyweight Aries Capispisan, tinanghal na MVP ng season.

“Sobrang ganda ng mga challenges na ibinibigay ng mga teams. Pantay-pantay na ang UAAP, so every year we have to push further,” pahayag ni Capispisan.

Nagtapos naman ang Far Eastern University na pangatlo sa naitalang markang 4-2 matapos ang huling panalo kontra Blue Eagles at UP Fighting Maroons sa parehong 4-3 desisyon.

Pinangunahan naman ang perfect season ng Lady Bulldogs ni lightweight Shiryl Badol, nahirang na tournament MVP.

Huling tinalo ng NU ang UP, 5-2, at De La Salle, 6-1, para makumpleto ang 6-0 sweep.

Nagtapos namang runner-up ang Tigresses sa ikatlong sunod na taon tangan ang 4-2 karta.

Sa pamumuno naman ni Rookie of the Year Pauline Lopez,nagtapos na pangatlo ang Ateneo, para sa una nilang podium finish.

Nagwagi naman si De La Salle finweight Carlo Dionisio bilang men’s Rookie of the Year.

Ang iba pang mga gold medal winner ay sina Aaron Agojo ng Ateneo (flyweight), Diether Baylon ng NU (bantamweight), Kristian Tagarao ng FEU (featherweight), Karlos Gaerlan ng UP (lightweight) at Arven Alcantara ng NU(welterweight).

Kasama nila sa women’s division sina UE jin Karen Cells (finweight), Grace Garfin ng NU (flyweight), Jennevive de Asis ng Ateneo (bantamweight), Rhezie Aragon ng NU (featherweight), Clouie Bolinas ng FEU (welterweight) at De La Salle jin Gab Yuchingtat (middle-heavyweight).

Sa juniors division, nagwagi naman ang UE sa ika-4 na sunod na taon. (Marivic Awitan)