Habang isinusulat ang artikulong ito, nag-aagaw-buhay ang isang binatilyo makaraang barilin ng sumpak ng isang grupo ng kabataan sa Malabon City, nitong Martes ng hapon.
Nakaratay sa ospital si Joel Espino, 16, ng Flove Homes, 6, Letre, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng sumpak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report ni PO2 Maria Theresa Dagman, ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD), dakong 3:00 ng hapon nangyari ang insidente sa kahabaan ng Phase 2, Paradise Village, Bgy. Letre, Malabon City.
Nangunguha umano ng barya sa kanal si Espino nang lapitan at sitahin ng grupo ng kabataan. Makalipas ang ilang sandali, isa sa mga suspek ang naglabas ng sumpak at pinaputukan ang biktima.
Ayon sa pulisya, posibleng nagalit ang mga suspek sa pagtapak ng biktima sa kanilang teritoryo. (Orly L. Barcala)