CABANATUAN CITY – Isang linggo bago sumapit ang Undas ay bahagya nang tumaas ang presyo ng mga bulaklak sa iba’t ibang pamilihan sa lungsod na ito.
Dahil sa magkasunod na pananalasa ng mga bagyong ‘Karen’ at ‘Lawin’ ay naapektuhan ang supply ng bulaklak, na karamihan ay mula sa Baguio City at sa iba pang lugar sa Benguet.
Kabilang sa nagtaas ang presyo ay ang rose, na P200 na mula sa dating P180, habang ang Malaysian Radus ay P120 na mula sa dating P80, ang Anthurium na dating P80 at P150 na, nasa P120 ang Baby’s Breath, P150 ang Bottom Green, P120 ang Malaysian Mums, at P120 ang Sunflower.
Nagtataasan na rin ang presyo ng kandila sa mga pamilihan.
Kasabay nito, nagsasagawa na ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pangunahing kalsada patungo sa mga sementeryo.
Bubuhayin din ng kagawaran ang Lakbay Alalay simula bukas, Oktubre 28, dakong 5:00 ng hapon, hangang sa Nobyembre 2 ng tanghali. (Light A. Nolasco)