Naitala ng Team Philippines ang pinakamalaking upset sa kasaysayan ng Sepak Takraw World Championship nang gapiin ang liyamadong Thailand at Myanmar para sa gintong medalya sa men’s premier division ng 31st King’s Cup World Sepak Takraw Championship kamakailan sa Bangkok, Thailand.

Dumaan sa matandang kawikaan na butas ng karayom sina Jason Huerte, Rheyjey Ortouste at Mark Gonzales para pabagsakin ang seeded Myanmar, 12-21, 21-19, 21-17 sa makapigil-hiningang final match.

Bago ito, sinopresa ang Pinoy ang world No.1 at tinaguriang ‘Goliath’ sa sports na Thailand sa pahirapan ding three-set decision, 15-21, 22-20, 21-19 sa semifinal.

Ayon kay Philippine Sepak Takraw Association president Karen Tanchanco-Caballero, ito ang kauna-unahang pagkakataon na natalo ang Thailand sa premier open class at nakamit ng Pinoy ang kasaysayan sa sports.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa elimination, ginapi ng Philippines ang Singapore, Australia, Chinese Taipei at Indonesia.

Pinuri ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga miyembro ng sepak takraw team nang magbigay ito ng courtesy call kahapon.

Ipinangako ni Ramirez ang patuloy na suporta sa koponan at karagdagang tulong pinansiyal para sa kanilang pagsasanay para sa susunod na paglahok sa international tournament.

“Proud kami at ang buong sambayanan sa inyong tagumpay. Asahan ninyo ang buong supporta ng pamahalaan para mas mapatibay ang programa ng inyong asosasyon at maabot ninyo ang minimithing sports excellence,” pahayag ni Ramirez.

Nagbigay din ng kanilang pagbati sina PSC Commissioner Arnold Agustin at Charles Maxey, gayundin si Philippine Sports Institute (PSI) administrator Marc Velasco. (Edwin Rollon)