LUMIPAD nitong Lunes, October 24 ang grupo ng Die Beautiful -- pinangungunahan ng bida ng pelikula na si Paolo Ballesteros at direktor nito na si Jun Robles Lana --patungong Japan para sa 29th Tokyo International Film Festival (TIFF) na tatakbo ng sampung araw, simula October 25 hanggang November 3.
Produced ng The IdeaFirst Company at Octobertrain Films, ang Die Beautiful ang nag-iisang Pinoy film na pumasok sa Main Competition section ng Tokyo filmfest.
Ang world premiere ng naturang pelikula ay magaganap sa October 27 sa EX Theater Roppongi. Inaasahan ang pagdalo nina Direk Jun, Paolo at Direk Perci Intalan(executive producer ng pelikula) sa Q&A portion pagkatapos ng screening ng pelikula.
Sa screening na nakaiskedyul sa November 2 sa Toho Cinemas Roppingi Hills Screen9 -- ayon na rin sa website ng TIFF -- sold out na ang Internet at box office tickets sa araw na ‘yun.
Ang Die Beautiful ang biggest break ni Paolo bilang aktor. Ginagampanan niya ang character ni Trisha Echevarria sa pelikula, isang Filipino transgender woman na ang ikinabubuhay ay ang pagsali sa mga beauty pageant. She (Trisha) died unexpectedly habang kinokoronahan sa isang pageant. Pero bago siya binawian ng buhay, ang huling habilin niya ay manatiling maganda maging sa kamatayan.
Excited kami para kay Paolo, kilala bilang Lola Tidora sa kalyeserye ng Eat Bulaga bagamat higit siyang hinahangaan sa kanyang make-up transformation ng iba’t ibang local at foreign celebrities.
Sa opening day ng Tokyo filmfest, rumampa sa red carpet si Paolo, kasama pa ng ibang Pinoy delegations na nakasuot ng Filipiniana green gown na gawa ni Rau Uzon-Ablaza.
Ayon sa producer ng Die Beautiful na si Ferdinand Lapuz nang tanungin namin tungkol sa reaksiyon ng mga tao tungkol sa pagrampa at pangangabog ni Paolo sa red carpet, “Okay naman. ‘Daming natuwa sa kanya.”
Kung nangabog si Paolo sa red carpet sa opening day bilang Angelina Jolie, pinagkaguluhan naman ang 3-time Academy Awards (Oscar) winner na si Meryl Streep sa appearance niya sa Tokyo filmfest. Ang kanyang pelikulang Florence Foster Jenkins ang naging opening film.
Abangan na lang natin sa awards night kung maiuuwi ni Paolo ang Best Actor (o Best Actress?) sa mahusay niyang pagganap sa pelikula.
Taong 2013, nang mauwi ni Eugene Domingo ang karangalan bilang Best Actress para sa 26th edition ng TIFF -- the first for the Philippines -- para sa epektibong pagganap ng komedyante sa Barber’s Tale.
Will Paolo duplicate Uge’s win at the Tokyo International Film Festival? ‘Yan ay kung ilalagay siya sa kategoryang best actress. (LITO MAÑAGO)