Sa pagnanais na mailigtas ang kanyang mga apo mula sa nag-aapoy nilang tahanan, nasawi ang isang 75-anyos na babae habang sugatan naman ang kanyang dalawang apo, isa rito ay 10 buwang gulang pa lamang, sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang aabot sa P200,000 halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy.

Kinilala naman ni Fire Supt. Jesus Fernandez, Quezon City Fire Marshal, namatay na biktima na si Loreta Placer, sanhi ng mga sunog sa katawan at suffocation.

Habang sugatan naman ang kanyang mga apo na kinilalang sina Ania Arellano, 14; at Aaron Arellano, 10 buwang gulang.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi ni Fernandez na base sa inisyal na ulat na kanyang natanggap, namatay ang biktima matapos makulong sa nasusunog nilang bahay na matatagpuan sa 48 Ilocos Norte St., Bago Bantay, Quezon City.

Base sa imbestigasyon, inuna muna umano ni Loreta na iligtas ang kanyang mga apo hanggang sa tuluyan siyang nakulong sa ikalawang palapag ng bahay.

Aniya, nagsimulang kumalat ang apoy sa kusina ng mga biktima dakong 4:57 ng umaga kahapon na matatagpuan sa unang palapag ng kanilang bahay. Pinaniniwalaang ang pagtagas ng liquefied petroleum gas (LPG) tank ang sanhi ng sunog.

(FRANCIS WAKEFIELD at JUN FABON)