‘Giyera’ sa pagitan ng Russia at Pilipinas, niluluto ng PSC.
May magaganap na ‘giyera’ sa pagitan ng Russia at Pilipinas.
Ngunit, walang dapat ipagamba ang sambayanan dahil ang digmaan ay hindi magaganap sa dahas bagkus sa mapayapa at respetadong pamamaraan.
Ipinahayag kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na selyado na ang unang hakbang para sa paghaharap nina Russian chess legend Anatoly Karpov at Pinoy pride Eugene Torre – dalawa sa itinuturing chess icon sa kasaysayang sports – para sa isang exhibition/unity match sa Baguio City.
Target ng PSC na maisulong ang programa sa Pebrero.
‘Ito ang pinakamalaking balita, inimbitahan si Grandmaster (Anatoly) Karpov at ilang malalaking pangalan sa chess para lumaban kay Eugene Torre sa exhibition game next year sa Baguio City,” pahayag ni Ramirez.
Ayon kay Ramirez, mismong si Russian Ambassador to the Philippines Igor A. Khovaev, ang nagbigay ng personal na ayuda para maisakatuparang ang ‘Battle Royale’ sa pagitan ng dalawang Grandmaster.
Nagpulong sina Khovaev at Ramirez kahapon sa PSC chairman’s office kung saan pormal na binuksan ng pamahalaan ng Russia ang pakikiisa sa layunin ng Pilipinas na tumaas ang kalidad ng atletang Pinoy.
“This exhibition match symbolizes the unity between the two countries. Kailangan natin ito sa pagpapalakas ng ating programa,” pahayag ni Ramirez.
Sa kabila nang pagreretiro ni Karpov sa international competition, nananatili itong imahe ng chess sa Russia at patuloy na nakikibahagi sa mga programa para sa kaunlaran ng sports.
Tinanghal na world champion si Karpov mula 1975 hanggang 1985 at muling nakuha ang titulo noong 1993 nang umalis sa FIDE (International Chess Federation) ang isa pang pamosong GM na si Garry Kasparov.
Itinuturing ‘GOAT’ (greatest of all time) sa chess si Karpov nang bitiwan ang korona noong 1999 bunsod nang hindi pagkakaunawaan sa FIDE.
Hawak naman ni Torre ang titulong kauna-unahang Grandmaster sa Asya noong 1972 at kamakailan ay tinanghal na pinakamatandang player na nagwagi ng silver medal sa Chess Olympiad. (Edwin Rollon)