MATINDI na marahil ang stress na nararanasan n’yo sa simula pa lang ng linggong ito.
Isip dito, isip dun. Anu-anong bibitbitin na pasalubong? Magkano ang dadalhing budget? Saan kakain? Sino ang isasama?
Ano’ng bus na sasakyan? Anong oras aalis?
Sa kaiisip pa lang ng mga posibleng problema ay malulunod ka na sa dami ng mga ito.
Subalit bilang tradisyon ng mga Pinoy, hindi maaaring palagpasin lamang ang Undas dahil dito natin naipamamalas ang ating pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na.
‘Ika nga ng marami: Isang beses na lang isang taon mo silang mabibisita, dededmahin mo pa.
Baka naman kalabitin ka nila sa mahimbing mong pagkakatulog dahil sa katamaran mong bisitahin ang kanilang puntod tuwing Araw ng mga Patay at Araw ng mga Kalukuha.
Tiyak na nagdaragsaan na sa mga terminal ng mga pampublikong sasakyan ang mga pasahero simula ngayong Huwebes. At mas matindi pa ang dagsa ng mga ito bukas.
Kaya ang payo ni Boy Commute…magbaon ng balde-baldeng pasensiya!
Pero ang pag-iwas sa stress sa tuwing bibiyahe ay hindi lang nadadaan sa pasensiya.
Kailangan nito ng mahusay na diskarte. Kapag nabawasan ang stress, nababawasan din ang pagod sa katawan, ‘di ba?
Tiyak din na mabigat ang trapiko sa mga pangunahing lansangan, kaya ito ang ilan sa mga tip ni Boy Commute sa maayos at matiwasay na biyahe ngayong Undas.
*Maghanda ng barya na pambayad sa pasahe at pambili ng pagkain.
*Iwasan na magbitbit ng malaking bagahe at limitahan lamang ito sa dalawang piraso. Laging tandaan: dalawa lang ang ating kamay.
*Kung may bitbit na bata, iwasang magdala ng malaking bagahe.
*Magdala ng tubig na inumin.
*Magdala ng pamaypay o payong.
*Magdala ng MP3 o paboritong magazine, libro at dyaryo bilang aliwan habang naiipit sa trapiko.
*Magbaon ng biscuit pampalipas-gutom.
*Magsuot ng kumportableng damit at sapatos dahil hindi maiiwasang tumayo nang matagal habang naghihintay ng masasakyan.
*Tiyakin na may load ang cell phone at magbaon ng power bank.
*Laging makinig sa radyo o manood sa telebisyon sa mga passenger bus upang malaman kung may mga sakuna na naganap sa mga lugar na daraanan patungo sa inyong lalawigan.
*Huwag magsuot ng mga alahas at relo na magiging temptasyon sa mga kawatan.
Tulad ng isang Boy Scout, iba ang laging handa. Ingat sa biyahe, mga amigo’t amiga! (ARIS R. ILAGAN)