DAVAO CITY – Pitong alkalde, pitong bise alkalde at nasa 70 konsehal sa Mindanao ang iniimbestigahan ngayon ng Office of the Ombudsman dahil sa posibilidad ng paglabag sa mga batas pangkalikasan.
Sa press conference rito kahapon, sinabi ni Gerard Mosquera, deputy Ombudsman for Luzon, na iniimbestigahan ang nasabing bilang ng mga opisyal batay sa mga reklamong inihain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa paglabag Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003).
Si Mosquera ang namumuno sa Environmental Ombudsman Team.
Ang mga iniimbestigahang opisyal ay nagmula sa Kidapawan sa North Cotabato, Koronadal City sa South Cotabato, Valencia sa Bukidnon, Cagayan de Oro City, General Luna sa Surigao del Norte, Marihatag sa Surigao del Sur, at Loreto sa Agusan del Sur, ayon kay Mosquera.
Aniya, ang mga nasabing lokal na opisyal ang bumubuo sa unang batch ng mga lokal na pamahalaan na kinasuhan sa Office of the Ombudsman sa kabiguang magpatupad ng batas.
Inimbitahan ng Ombudsman ang nasabing mga opisyal sa clarificatory hearings na sinimulan nitong Martes at isasagawa hanggang bukas, Oktubre 28, sa Davao City.
Sakaling makatukoy ng probable cause, sasampahan ang mga nasabing opisyal ng mga kasong kriminal at administratibo.
(Antonio L. Colina IV)