Hiniling ni Senator Richard Gordon sa mga opisyal ng Social Security System (SSS) na ipaliwanag muna nila ang matataas nilang sahod at allowance bago humirit na itaas ang pensyon ng 33 milyong kasapi nito.
Ayon kay Gordon, sa laki ng sweldo at allowance ng SSS officials, dapat ay may sapat na rin silang pag-iisip para ipaliwanag ang pagtaas ng pensyon at kung saan nila ito kukunin.
“Pero kung kayo, nagbo-board meeting kayo diyan, sisingilin ko kayo ngayon. P5 million ang budget ninyo a year ba iyon, or around P450,000 a month sa suweldo lang? Dapat naman siguro puwede kayong makaisip kung papaano ninyo magagawang efficient ang collection, mae-expand ninyo ‘yung market base ninyo, para ang kapalit sa tao mas mataas,” ani Gordon, chairman ng Committee on Government Corporations and Public Enterprises.
May panukala kasing dagdagan ng P2,000 ang buwanang pensyon ng mga miyembro ng SSS.
Sinabi ni Gordon na dapat maging agresibo ang SSS officials sa pag-recruit ng mga bagong miyembro ng ahensya.
(Leonel M. Abasola)