Mabilis ang transaksyon sa gobyerno kapag postal ID ang ginamit.
Tinatanggap na ang improved postal ID sa remittance centers para sa mga Pilipino sa US, European Union (EU), Saudi Arabia at iba pang bansa. Valid na rin itong identification document sa pagkuha ng clearance sa National Bureau of Investigation (NBI), pag-apply ng pasaporte, at pagbukas ng accounts sa mga bangko.
Mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang naglabas ng direktiba sa lahat ng mga remittance centers at bangko hinggil dito.
Taglay ng improved postal ID ang biometric information, lagda at iba pang impormasyon ng card holders. Mayroon din itong security features.
Maaaring kumuha ng postal ID sa lahat ng post office sa buong bansa. Ang kailangan lamang ay proof of identity at proof of address.
Matatanggap ang bagong postal ID sa Metro Manila sa loob ng 15 araw at 20 araw sa ibang lungsod at bayan. Sa mga pulo at malalayong lugar, ide-deliver ng PhilPost ang ID sa loob ng 30 araw. (Beth Camia)